UMIIKOT ngayon ang mga katanungan tungkol sa posibleng conflict of interest sa Criminal Investigation and Detection Group lalo na’t may usapin na kinasasangkutan ni dating Ako Bicol representative Zaldy Co, malapit na kaibigan ni PMGen Morico.
Si Morico, director ng CIDG, ang dahilan ng pagkakaroon ng duda sa kakayahan ng CIDG na maging patas kung sakaling umabot sa puntong kailangan siyang imbestigahan at syempre, arestuhin.
Ang isang pangyayaring nagpalala sa sitwasyon ay ang raid sa bahay ni Brice Hernandez. Ayon sa mga ulat, si Hernandez ay posibleng may hawak na impormasyon o ebidensya na magdidiin kay Zaldy Co sa bilyon-bilyong flood control scam. Senado ang nagpakukumpiska ng mga ebidensya, subalit laking gulat ng marami maging ng mga taga-Senado dahil nandoon ang mga tauhan ni Morico na hindi naman inatasan ng Senado o hindi hiningi ang kanilang tulong.
Maging si Senador Panfilo Lacson ay nagtaka sa presensya ng CIDG. Pero dahil noong una ay pinoproteksyonan si Co upang hindi “ikanta” sina Pangulong Bongbong Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez, binalewala ng Senado ang mga pulis na nakaabang sa bahay ni Brice.
Alam ng marami ang koneksyon ni Morico kay Co? Hindi kaya’t ang presensya nila ay nagpadala ng mensahe kay Hernandez, o sa iba pang posibleng saksi, na mag-ingat sa kanilang mga gagawin? Ang katotohanan na hindi pa naaaresto si Co, sa kabila ng mga alegasyon, ay nagbibigay-dagdag na kulay sa mga suspetsa.
Hindi natin sinasabing guilty na si Co, pero ang relasyon niya kay Morico ay naglalagay sa CIDG sa isang alanganing posisyon. Paano sila makakapag-imbestiga nang walang bahid ng pagdududa kung ang kanilang pinuno ay kaibigan ng aarestuhin at iimbestigahan?
Ang kailangan dito ay transparency at accountability. Kung seryoso ang Philippine National Police sa ilalim ni PNP Acting chief PGen Jose Melencio Nartatez, dapat ay magpakita nang pagiging patas. Maaaring kailanganing ilipat ang paghahanap at pag-aresto kay Co sa ibang unit o kaya naman ay si Morico ang tanggalin sa pwesto.
Sa huli, ang tiwala ng publiko ay mahalaga. Hindi sapat na sabihing walang pagkiling; kailangan itong patunayan sa pamamagitan ng mga aksyon. Ang usapin kay Zaldy Co ay isang pagsubok sa integridad ng CIDG at sa kakayahan nitong maglingkod nang walang kinikilingan.






