NITONG mga buwan ng Oktubre 2025 at Nobyembre 2025, sunod-sunod nating naranasan ang bagsik ng mga bagyong Nando, Opong, Ramil, Tino at Uwan na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa, habang ang Cebu at Davao ay niyanig ng malalakas na lindol.
Kaya’t nang inanunsyo ng Pag-IBIG Fund nitong Nobyembre 18, 2025 ang pagbibigay ng isang buwang payment moratorium at pagpapaalala sa insurance coverage ng kanilang mga Housing Loan borrowers, hindi ito basta simpleng balita, ito ay mahalagang paalala na may mga institusyon pa ring aktibong tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Ayon kay Secretary Jose Ramon Aliling ng Department of Human Settlements and Urban Development, at siya ring chairperson ng Pag-IBIG Fund Board, ang hakbang na ito ay bahagi ng utos ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na pabilisin ang tulong at rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Mahusay ring ipinaliwanag ni Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta na kalakip ng kanilang housing loan ang insurance coverage na magagamit sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay.
Sa isang bansa kung saan napakaraming pamilyang walang sapat na emergency fund, ang insurance na ito ay nagiging sandalan sa gitna ng pagdurusa. Hindi man nito ganap na maibabalik ang nawalang pag-aari, nagbibigay ito ng pag-alalay para muling makatayo.
Bukod dito, inaalok din ng Pag-IBIG ang Calamity Loan na maaaring umabot sa 90 porsyento ng regular savings at may mababang interes na 5.95 porsyento kada taon, at ang Home Improvement Loan na may hanggang Php300,000 na pwedeng hiramin sa promotional rate na 3 porsyento para sa unang 10,000 borrowers.
Sa panahon ngayon kung saan bawat sentimo ay may katumbas na bigat, ang mababang interes ay hindi lamang benepisyo, kundi proteksyon laban sa pagkakalubog sa utang.
Karapat-dapat na kilalanin ang Pag-IBIG Fund sa kanilang maagap at makataong pagtugon.
Ang kanilang mensahe ay malinaw: maaaring hindi maganda ang panahon at sitwasyon, ngunit hindi nag-iisa ang Filipino.
Kung magpapatuloy ang ganitong uri ng serbisyo na malapit sa tao, mabilis, at may tunay na pag-unawa sa hirap ng bawat pamilya, tiyak na mas magiging matatag ang bansa sa pagharap sa mga hamon ng kalikasan.
Hindi maikakaila na dapang-dapa ang marami sa ating mga kababayan.
Ang ganitong mga hakbang ang nagsisilbing liwanag.
Ngunit tungkulin natin bilang bayan na siguraduhing ang liwanag na ito’y hindi pansamantala, kundi patuloy na naggagabay sa mas matatag na kinabukasan. Maraming salamat sa Pag-IBIG Fund.






