MANILA, Philippines- Bumisita si Brawner sa headquarters ng 10th Infantry Division (10ID) sa Camp General Manuel T. Yan Sr. sa Mawab, Davao De Oro at Eastern Mindanao Command (EastMinCom) sa Panacan, Davao City nitong Sabado upang hikayation ang mga sundalo na suportahan ang administrasyon “amid recent political developments” sa rehiyon.
Sa kanyang mensahe sa mga sundalo, sinabi ng AFP chief na kumpiyansa siya sa “loyalty” at propesyonalismo ng mga miyembro ng AFP.
“I am not worried because I know that the new breed of soldiers are professionals. Let us remain united and loyal to the Constitution and the chain of command,” ayon kay Brawner.
“Focus lang tayo sa trabaho natin. Isa lang ang ating Pilipinas, isa lang ang ating bansa. Let us be proud of our heritage, let’s be proud of who we are as a people. Pilipino tayong lahat kaya mahalin natin ang ating bansa,” dagdag niya.
Kamakailan ay nadawit ang AFP sa batuhan ng pahayag nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa prayer rally sa Davao City noong nakaraang linggo, hinikayat ni Duterte ang militar na bawiin ang suporta kay Marcos sa gitna ng panawagang charter change sa pamamagitan ng people’s initiative na umano’y nabahiran ng signature-buying.
Pinalitaw din ng dating Pangulo ang ideyang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas at inihayag ang pagkadismaya niya sa pamumuno ni Marcos.
Umugong ang usapin ukol sa destabilization laban kay Marcos noong nakaraang buwan matapos ihayag ng ilang retiradong military generals na hindi sila kuntento sa liderato ng Chief Executive at ilahad ang kanilang mga hinaing sa social media.
Pinabulaanan naman ng AFP ang mga ulat na hinihikayat ng mga retiradong heneral ang mga nasa serbisyong umanib umano sa tangkang coup.
Sa kabila nito, iginiit ng AFP na dapat manatiling non-partisan at propesyonal ang mga sundalo at huwag makibahagi sa anumang “political discourse” at manatiling tapat sa Konstitusyon. Tiniyak din nitong walang dibisyon sa hanay nito at hindi kailangan ng loyalty check sa mga sundalo.
“I hope that you will continue the good works that you are doing. Ituloy lang natin ‘yung pagiging professional natin at ang pagiging isang Armed Forces of the Philippines,” pahayag ni sa 10th ID at EastMinCom troops. RNT/SA