Home METRO Pagkakaisa panawagan ng grupong apektado ng bangayan ng mga politiko

Pagkakaisa panawagan ng grupong apektado ng bangayan ng mga politiko

MANILA, Philippines- Inilunsad ng iba’t ibang sektor, dating mga opisyal, pribadong indibidwal at pangkaraniwang tao ang “Isang Bansa, Isang Pilipinas” upang mapakinggan ang boses ng ordinaryong mamamayan na apektado sa nagaganap na pagbabangayan ng mga politiko.

Sa ginanap na aktibidad na pinangunahan ni Jay Dela Fuente, dating hepe ng Manila Department of Social Welfare, nais nilang maibahagi sa mga simpleng mamamayan ang mensahe ng pagkakaisa lalo na’t sa nangyayari ngayong pag-aaway ng mga nasa itaas, ang higit na apektado ay mga maliliit na mamamayan na nanonood lamang sa mga nangyayari.

Nilinaw din ni Dela Fuente na walang halong politika ang kanilang itinatag na grupo, walang suportang pinansiyal kanino man, at wala silang kasapi na may ambisyong politikal.

“Ang munting pagsasama-sama natin ngayon ay Apolitical. Ang miting na ito ay hindi para i-promote o ipakilala ang isang kandidato. Nandito po tayo upang daanan at himayin ang mga issue na kinakaharap ng ating bansa at ng bawat Pilipino,” ani Dela Fuente.

“Ito po ay isang paraan upang maipahatid kay Juan Dela Cruz ang simpleng mensahe na anuman ang kinakaharap ng ating bansa ay mahalagang alam natin na parte tayo ng problema at solusyon,” dagdag pa nito.

Nais din nilang ipanawagan ang kanilang pagtutol sa paghihiwalay ng Mindanao sa Republika ng Pilipinas na bukod aniya sa labag sa Saligang Batas ay lalo lamang magdudulot ng kaguluhan sa  bansa.

Giit ng mga nakibahagi na dapat ay manatili ang pagkakaisa, kapayapaan at pagiging buo ng bansa at tutukan ang mga pangunahing suliranin sa mga komunidad.

“Anuman ang iyong estado sa buhay, kulay, kasarian, relihiyon – lahat tayo ay pantay pantay ang karapatan alamin, malaman at iparinig ang saloobin sa mga kinakaharap ng ating bansa. Piliin natin maging bukas ang isip upang timbangin ang mga bagay-bagay, maging mapagmatyag, manindigan na kahit ang isang simpleng mamamayan na tulad ko….na tulad natin ay maaring magkaroon ng isang boses para sa ikabubuti ng bansa,” ayon pa kay Dela Fuente. JAY Reyes