MANILA, Philippines — Kinukuwestiyon ang patuloy na pagsasapubliko ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng mga impormasyon at materyal kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y irregular infrastructure at reclamation projects sa Taguig, kasunod ng kanyang pag-post ng video mula sa isang multi-agency inspection sa Taguig Lakeshore.
Noong Oktubre 2, nag-post si Lacson sa social media ng 25-segundong video na ayon sa kanyang tanggapan ay kuha sa joint on-site inspection ng mga kinatawan ng Office of the Ombudsman, Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dahil dito, lumitaw ang tanong kung ang naturang pagsasapubliko ay maaaring masaklaw ng confidentiality provision sa Revised Rules of Procedure ng Office of the Ombudsman.
Sa ilalim ng Rule IV, Section 5 ng Administrative Order No. 1, Series of 2026, nakasaad na dapat sundin ang “utmost confidentiality” sa fact-finding investigation at dapat tiyakin ng investigator ang integridad at seguridad ng mga dokumento at iba pang ebidensyang nakalap sa imbestigasyon.
Gayunman, hindi awtomatikong nangangahulugan ang naturang probisyon na ang pag-post ni Lacson ng video ay isa nang napatunayang paglabag sa confidentiality rule.
Kailangan munang matukoy kung ang video ay bahagi ng confidential records o ebidensyang nakalap sa isang Ombudsman fact-finding investigation, kung paano ito nakuha ni Lacson, at kung ang kanyang pagsasapubliko nito ay sakop ng pagbabawal sa ilalim ng umiiral na mga patakaran.
Mahalaga ring tandaan na sa ilalim ng Republic Act No. 6770 o Ombudsman Act of 1989, maaaring isapubliko ng Office of the Ombudsman ang ilang usaping sakop ng imbestigasyon kung kinakailangan at nang may due prudence, habang maaari rin itong magtakda kung aling mga kaso ang hindi dapat gawing publiko.
Batay sa mga naunang pahayag ni Lacson, nasa fact-finding stage ang pagsusuri ng Ombudsman sa ilang reclamation at infrastructure issues sa Taguig upang matukoy kung may sapat na batayan para sa posibleng preliminary investigation.
Nauna nang nagsumite si Lacson sa Ombudsman ng documentary at testimonial information na nakalap ng kanyang tanggapan kaugnay ng mga umano’y anomalya sa infrastructure projects sa Taguig.
Samantala, tinutulan ng Taguig City government ang paglalarawan ni Lacson sa inilabas na inspection video at tinawag itong “misleading,” habang iginiit nitong hindi nito inawtorisahan ang reclamation activity sa lupang tinutukoy.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na iginagalang niya ang mga imbestigasyon ng Ombudsman at iba pang constitutional bodies ngunit iginiit na dapat maging patas at nakabatay sa tamang proseso ang mga ito.
Sa panig ni Lacson, ipinagtanggol niya ang video bilang raw footage mula sa inspection team at nanawagan ng koordinadong imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang pananagutan sa umano’y reclamation activities. RNT