MANILA, Philippines – Kinwestyon ni Vice President Sara Duterte ang dahilan sa likod ng paglikha sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Kasabay nito ay sinabi ni Duterte na layon lamang ng administrasyong Marcos na isulong ang sarili nitong narrative sa isyu.
Matatandaan na nilikha ang ICI sa pamamagitan ng executive order noong Setyembre.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng ICI ang mga iregularidad sa flood control at iba pang infrastructure projects sa nakalipas na dekada upang matukoy kung sino ang mga mapananagot dito.
“Nagbukas sila ng ICI para kung ano man yung report ng ICI, yun na yung official na kwento ng nangyaring korapsyon, at yun na yung ifefeed nila sa tao, at sasabihin nila na ito yung kwento at ito yung gagawin nating responsible… That way ikaw na mamamayan, hindi mo na ma-dispute, di mo na ma-kontra yung results dahil sasabihin niya, legitimate yan… Paniwala ko, nile-legitimize nila yung kwento na gusto nila lumabas,” pahayag ni Duterte.
“Napakadali naman noon eh, ilang bilyon ang confidential funds ng Office of the President. Sila-sila lang sa loob ng kanilang opisina, magagawa nila na mag-case build up gamit ang resources ng Office of the President at i-file nila yun diretso sa Ombudsman o saan man na korte. Pero bakit kailangan pa niya magbukas pa ng ICI, ng komisyon?” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni VP Sara na iniuugnay sina Senador Bong Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa anomalya sa flood control projects upang maapektuhan ang reputasyon nito kung tatakbo siya bilang presidente sa 2028.
“Pag tinagpi-tagpi natin yun yung ginagawa nilang pag-atake sa dating pangulong Rodrigo Duterte at ni Senator Bong Go, gusto lang din noon na matamaan ako dahil paniwala nila at siguro pakiramdam nila isa ako sa mga kandidato sa pagkapangulo sa 2028,” anang Bise Presidente.
Bilang tugon, tinanong ng Malakanyang si Duterte kung natatakot ba siyang may malantad sa imbestigasyon ng ICI.
“Kaawa-awa ang mga taong parte ng gobyerno pero hindi nakakatulong sa gobyerno at sa bayan. Kaawa-awa ang taong naturingang public servant; puro haka-haka lang ang sinasabi para makapanira sa gobyerno,” mensahe naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.
Iginiit ni Castro na ang mga miyembro ng ICI ay hindi politiko kundi mga eksperto sa kani-kanilang field.
“Ang mga tahi-tahi nyang kwento ay walang halaga. Hindi na dapat intindihan pa. Ang tanong: May kinatatakutan ba siyang mabunyag sa ginagawang pag-iimbestiga kaya pilit niyang sinisiraan ng integridad ng ICI? Tandaan natin ang mga miyembro po ng ICI ay puro experts at may integridad at wala nang politiko rito,” dagdag ni Castro. RNT/JGC