KAHAPON, sinabi ni United States President Donald Trump na nagkasundo na ang Iran at Israel na itigil na nila ang kanilang giyera.
Total, complete ceasefire, sinabi ni Trump.
Pero hindi pa natutuyo ang laway ni Trump makaraan nitong ianunsyo ang tigil-putukan na “forever” pa umano, tuloy-tuloy naman ang bombahan sa pagitan ng Iran at Israel lalo’t sinabi ng Iran na walang katotohanan ang pahayag ni Trump.
Pasubali ni Iran, titigil lang umano ito sa pagbomba sa Israel kapag tumigil na ang Israel sa pagbomba sa kanila.
Kahapon nga, binomba ng Iran ang pinakamalaking kampo militar ng US sa buong Gitnang Silangan na nasa Qatar ngunit isa lang ang nakalusot at tumama sa lugar.
Kasama sa mga nabahala rito ang Bahrain, United Arab Emirates at Kuwait.
Isinabay ng Iran na bombahin din ang base militar ng mga Kano sa Iraq.
Gumanti naman ang Israel.
STRAIT OF HORMUZ AT RED SEA
Idineklara ng parliamento ng Iran na sasarhan nila ang Strait of Hormuz na daluyan ng 20 ng langis para sa mundo, bukod pa ang mga ibang kalakal ngunit depende ito sa desisyon ng National Security Council ng Iran.
Ngunit nagsimula na ang mga Houthi sa Yemen na bombahin ang mga barko ng Israel at Amerikano sa Red Sea bilang pakikiisa nila sa Iran.
Maaaring magsara na rin ang buong Red Sea at dahil dito, tanging ang Suez Canal na lang sa Egypt ang pasukan at labasan ng mga barko ng langis at kalakal.
PINOY SEAMEN AT LAND BASED OFWs
Dahil sa mga pangyayaring ito, hindi na lang ang mga land based na OFW ang nasa panganib kundi maging ang mga seaman.
Daang libo ang bilang ng mga ito, mga Bro, at hindi lang ang buhay nila ang nanganganib kundi maging ang kanilang hanapbuhay at ari-arian.
Halimbawa, klarong may mga natamaan nang mga OFW sa Israel sa mga putok ng mga missile at drone, mahigit 200 na ang nawasakan ng bahay at nawawala ang kanilang hanapbuhay sa pagkasira ng buhay ng kanilang mga employer at lugar ng trabaho.
Kaugnay nito, may namatay na ring tatlong Pinoy seamen nang tinamaan ng mga missile ng Houthi ang kanilang mga barko.
Ngayon, binalewala na ng mga Houthi ang ceasefire sa US at sumasabay sila Iran na lumalaban sa Israel at mga Kano.
IBAKWIT SILA KAAGAD
Sakali ngang nagkaroon na nga ng ceasefire, wala pa ring kasiguruhan kung magtatagal ito.
Kaya tama ang ginagawa ng ating pamahalaan na ibakwit kaagad ang mga gustong magbakwit at sinasabing may 26 OFW at isang turista ang nakauwi na kahapon sa Pinas…kung natuloy sila.
Pagbabakwit ang pinakamainam na gawin ng pamahalaan dahil buhay ang pinakamahalaga sa lahat sa dapat iligtas.
Ngunit dapat tapatan ito ng ayuda sa mga bakwit pag-uwi nila at isama na rin sa ayuda ang mga ayaw umuwi sa totoong rason na wala silang mapapala sa pag-uwi sa Pinas dahil puro hirap naman umano ang kanilang madaratnan.






