MANILA, Philippines – Okay lang kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Lunes, Oktubre 14 na linawin ang kanyang tungkulin sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ang pahayag ni Dela Rosa ay kasunod ng panawagan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil sa mga sinundang chiefs of police na linawin ang kanilang kaugnayan sa kampanya kontra illegal na droga nang nakaraang administrasyon.
“That is totally fine with me,” ani Dela Rosa.
“He is the current [Chief] PNP, he can initiate his own fact finding effort since the PNP has been at the receiving end in the issue at hand,” dagdag pa niya.
Sa abiso naman sa GMA News, sinabi ni dating PNP chief Guillermo Eleazar na hindi siya nakatanggap ng anumang kautusan patungkol sa reward system.
Matatandaan na naging matunog ang usapin ng reward system matapos isiwalat ni retired police colonel Royina Garma na may pabuya sa bawat mapapatay na drug suspect.
Sinabi rin ni Garma na tinanong siya ng dating Pangulong Rodrigo Duterte kung mayroon siyang kilalang opisyal na maaaring magpatupad ng Davao model ng war on drugs sa national level, kung saan umaabot umano ng hanggang P1 milyon ang pabuya sa mapapatay na drug suspect. RNT/JGC