UMUUSOK na ang pag-atake ng Israel sa Iran bilang ganti sa pagpapaputok ng huli sa una ng 200 missile nitong nakaraang Oktubre 1, 2024.
Ganti naman ng Iran ang pagpapalipad nito ng missile sa Israel na walang tigil na pumapatay sa mga lider ng Hamas, isa mismo sa Tehran, Hezbollah at Iranian military sa Beirut, Lebanon.
Ang usok nang pag-atake ng Israel ay nakita matapos ang selebrasyon ng Yom Kippur, ang pinakabanal na araw sa Israel nitong nakaraang Biyernes at Sabado.
Mismong ang United States ang nagsasabing maaaring atakehin ng Israel ang Iran ngunit pupuntiryahin nito ang mga base militar at plantang pangkuryente.
Maaari ring madamay ang mga nuclear site nito at mga tirahan ng mga lider ng Iran.
Nagsabi rin ang US na maglalagak ito ng anti-missile batteries nito sa Israel na sasabayan nang pagpapadala nito ng kanyang mga sundalo.
Sa kabilang banda, sinasabi naman ng Iran na walang red line o hangganan ang pag-atake ng Israel at tiyak na sasagot ito anomang oras umatake ang huli.
Kasabay naman nito ang pagkampi ng Russia sa Iran at pagsasabing poprotektahan nito ang huli.
PAGLAGABLAB NG APOY
Maaaring hindi lang Israel, Lebanon, Iran, US at Russia ang madamay sa giyera — kung lilitaw na ang apoy mula sa usok.
Maaaring lalagablab ang apoy kung saan-saan.
Alalahaning pinagbawalan na ng Saudi Arabia, United Arab Emirates at Qatar and Israel na gamitin nito ang kanilang airspace para sa pagpapalipad ng mga missile at iba pang armas pandigma nito patungo sa Iran habang ang Turkey, panay ang babala nito sa Israel na sumosobra na ito sa pagsira sa buhay at ari-arian ng mga Palestino sa Gaza at Lebanese sa Lebanon.
Gayunman, ilang bansa, kabilang na ang Germany, The Netherlands, Spain at maging ang Canada, ang nananawagan na para sa pagtigil ng benta o bigay na armas-pandigma sa Israel.
30,000 PINOY SA ISRAEL NANGANGANIB DIN
Hindi lang mga Pinoy sa Lebanon ang aktuwal na nanganganib sa giyerang Israel at Hezbollah.
Ayon sa mga awtoridad sa Lebanon, simula noong Oktibre 7, 2023, may 2,100 nang Lebanese na namatay, 10,000 na nasugatan at 1.2 milyong bakwit sa pambobomba ng Israel, Beirut at Bekaan Valley.
Kasama sa mga patay at nasugatan ang 33 sundalong Israeli, bukod pa ang mga nasugatan.
Pero dahil sa posibleng pagsiklab ng digmaan mismo sa Israel at Iran, maaaring madamay na hindi lang ang mga Pinoy sa Lebanon kundi maging ang mga nasa Israel.
Lalo na kung iisipin na hindi na kayang pabagsakin ng Israel ang lahat ng missile na pinakakawalan ng Iran gaya ng nangyari nitong Oktubre 1, 2024.
Pumasok ang mga missile sa Tel Aviv at mga base militar ng Israel ang mga missile.
Isang napakahalagang katanungan ngayon: Nasaan na ang plano sa gagawing pagbabakwit sa mga Pinoy sa Israel, kasama na ang mga Pinoy sa Lebanon?






