Home OPINION PAGPAPAHALAGA SA SEAMEN NASAAN?

PAGPAPAHALAGA SA SEAMEN NASAAN?

SA ulat ng Department of Migrant Workers, lumalabas na higit na nakararami sa marino o nagbabarkong Pinoy ang gustong maglayag sa mga karagatan kahit delikado pa ang mga ito, lalo na sa nagaganap na digmaan sa Middle East.

Ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac, nasa 3,300 ang gustong maglayag kumpara sa 128 lamang.

Pinag-uusapan natin, mga Bro, ang paglalayag sa mga delikadong lugar na Red Sea, Gulf of Aden at Arabian Sea.

Dito nagbibiyahe ang mga barko na kumukuha ng mga langis sa mga Arabong bansa gaya ng Saudi Arabia, Iran, Kuwait at iba pa saka dadalhin sa Europa o sa Asia, kasama ang Pilipinas.

Nagbibiyahe rin ang mga ito ng iba’t ibang kalakal mula sa ibang bansa patungo sa mga Arabong bansa, kasama ang Israel.

Gayunman, dahil sa 70 porsyento na ang umiiwas sa mga karagatang ito, masasabing ligtas na rin sa kapahamakan, kahit papaano, ang mga marinong Pinoy.

Naglalayag na ang 70% sa south o dulo ng Africa para maiwasan ang pangmi-missile, pambobomba, pangdo-drone ng mga Houthi na nakabase sa Yemen.

May namatay nang dalawang Pinoy sa mga pag-atake ng Houthie habang naligtas ang iba sa mga sinusunog na barko gaya ng Sounion o pinalubog gaya ng Rubymar.

HALAGA NG MGA SEAMAN

Kasama ang mga marino na sea-based o seamen ang mga land-based na overseas Filipino worker na nagdadala o nagre-remit ng mahigit P1 trilyong salapi sa Pilipinas.

Nakikinabang sa mga padala ng lahat ng OFW hindi lamang ang mga pamilya-OFW kundi maging ang pamahalaan.

Sa mga padalang foreign currency o dayuhang salapi, lalo na ang dolyar, nakaiipon ang pamahalaang Pilipinas ng malaking halaga bilang pambayad sa utang nito at pakikipagkalakalan.

Sa parte ng mga pamilya-OFW, napakalaking gaan sa parte ng gobyerno na pasanin sila bilang pinaglilingkuran at pinoprotektahan dahil nabubuhay ang mga ito sa padala ng mga OFW.

Sa mga anak na lang ng milyon-milyong OFW, hindi kailangang ayudahan ang mga ito ng gobyerno ng mga libreng bag at gamit sa mga eskwela, kasama ang mga uniform at tuition fee sa mga pribadong eskwela.

Ganyan ang lagay ng mga pamilya-OFW, partikular ang sa seamen.

PAGPAPAHALAGA NASAAN?

Hindi matatawaran ang mga pinaggagagawa ng DMW, maging ang Overseas Workers Welfare Administration ni Administrator Arnel Ignacio, at iba pang ahensya ng pamahalaan pabor sa seamen.

Pero paano ang ibang mga ahensya ng gobyerno gaya ng Senado at Kamara?

Sa ngayon kasi, ‘yang pagporma bilang mga kandidato sa halalang 2025 ang pinagkakaabalahan ng marami.

At kasama sa pormahan ang unli na siraan sa isa’t isa.  

Ang dami pa ngang nagmumukhang santo at paisa-isa lang ang pinalalabas na mga demonyo sa gobyerno.

Pero hindi masolusyonan ng mga santo ang pag-aabroad na palatandaan ng kawalan sa buhay ng milyon-milyong mamamayan.

Hehehe!