Home NATIONWIDE PBBM ‘di makadadalo sa UN General Assembly – envoy

PBBM ‘di makadadalo sa UN General Assembly – envoy

DAHIL NILIMITAHAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang international trips hanggang matapos ang taon, si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang tatayong kinatawan ng Pilipinas kung matutuloy ang bilateral talks kasama ang Tsina sa sidelines ng United Nations General Assembly (UNGA) ngayong buwan sa New York.

Ang Pilipinas ay kabilang sa 20 bansa na nais na makausap ang Tsina sa sidelines ng UNGA.

Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez sa isang panayam na ang agenda ng Pilipinas ay para “i-follow up” na mapababa ang tensyon sa West Philippine Sea habang ipinagpapatuloy naman ng gobyerno ang ‘diplomatic efforts’ nito para tugunan ang regional issues.

Layon ng gobyerno ng bansa na maipaabot sa Tsina ang mensahe nito na maliban sa Pilipinas, may ibang bansa ang hindi aprubado sa ‘dangerous actions’ ng Asian Superpower sa rehiyon.

Patuloy kasing binabalewala ng Tsina ang arbitral ruling na nagpapawalang-bisa sa malawakang pag-angkin nito sa rehiyon. Patuloy din itong gumagawa ng masasamang aksyon sa WPS, inilalagay sa panganib ang buhay ng mga Filipino serviceman at mangingisda.

Noon pa man ay naghahain na ang gobyerno ng Pilipinas ng diplomatic protests laban sa ilegal na aksyon ng Tsina.

Gayunman, minsan ng sinabi ni Pangulong Marcos na marami pang magagawa ang Pilipinas kaysa sa maghain ng protesta laban sa Beijing. Kris Jose