Home NATIONWIDE Pagpapalawig ng economic cooperation target ng PH, UAE

Pagpapalawig ng economic cooperation target ng PH, UAE

MANILA, Philippines- Kapwa sumang-ayon ang Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) na palawigin ang trade cooperation para palakasin ang kanilang economic relations, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

Ito’y matapos na magpulong sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at UAE Minister of Investment Mohamed Hassan Alsuwaidi sa Palasyo ng Malakanyang kung saan pinag-usapan ang plano na palakasin ang ugnayan sa kalakalan at oportunidad sa pamumuhunan ng dalawang bansa.

Tinuran ni Pangulong Marcos na ang pagbisita ni Alsuwaidi sa Pilipinas ay nagpapakita na commitment ng dalawang bansa “to work together more closely than we have had in the past.”

“I’m happy to see you and discover so many areas that would be possible for us to explore further,” ang sinabi Pangulong Marcos kay Alsuwaidi, ayon sa PCO.

Sa nasabing pagpupulong, sinabi naman ni Alsuwaidi na ang relasyon ng UAE sa Pilipinas ay “very deep.”

Binigyang-diin din ni Alsuwaidi na kinikilala ng UAE ang kahusayan ng mga Pilipino partikular ng mga nurse na nagbibigay ng ‘exceptional’ patient care sa host country.

“After having discussions today, we really don’t understand why we haven’t historically invested more, and given the amount of opportunities we see, whether it’s in the infrastructure, whether it’s in industrial mining or telecommunication, data centers, renewables – the size of opportunities, healthcare, are tremendous,” wika ni Alsuwaidi.

Samantala, sinabi ng PCO na ang mga pangunahing sektor para sa investment promotion sa UAE ay kinabibilangan ng agribusiness o agriculture, energy efficiency technologies at renewable energy, infrastructure o public-private partnership projects, innovation (artificial intelligence), information technology, at business process management.

Matatandaang bumisita si Pangulong Marcos sa UAE noong November 2024 at nakipagpulong kay UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ipinahayag ang kanyang pasasalamat para sa pangangalaga at paggalang na ipinakita sa Filipino community sa Gulf state.

Sa naging bilateral meeting ng mga ito noong nakaraang taon, kapwa kinilala ng dalawang lider ang pangangailangan na palawigin ang relasyon ng Pilipinas at UAE para sa bagong mga lugar ng kooperasyon sa kabila ng traditional sectors. Kris Jose