Home NATIONWIDE Pagpapaliban ng BSKE sa hinaharap, posible pa – solon

Pagpapaliban ng BSKE sa hinaharap, posible pa – solon

MANILA, Philippines- Maaari pang ipagpaliban ng Kamara ang mga susunod na halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan kahit ibinasura ng Supreme Court ang batas na nagpapaliban sa 2022 BSKE, ayon kay Senador Francis Tolentino.

Kamakailan, ideneklara ng Supreme Court na pawang “unconstitutional” ang Republic Act No. 11935—ang batas na nagpapaliban sa BSKE mula sa inisyal na December 5, 2022, tungo sa huling Lunes ng October 2023.

Sa ruling, natuklasan ng SC na kailangang magtakda ng guidelines at prinsipyo sa pagkilos ng pamahalaan na naglalayong ipagliban o magkaroon ng panibagong schedule ang pagsasagawa ng eleksiyon sa barangay at SK sa hinaharap.

“Ngayon po maliwanag na, may guidelines po ang Korte Suprema subalit hindi po sinasabi sa (bagong) SC decision na bawal nang mag-postpone (ng BSKE),” ayon kay Tolentino.

“Basta sundin mo yung limang guidelines—kung mami-meet po itong guidelines na ito,” ayon kay Tolentino.

“Yun naman po ang maliwanag dito. Hindi po sinabi ng Supreme Court na bawal kayo (Congress) mag-postpone,” dagdag ng senador.

Ipinaliwanag pa ni Tolentino na kahit may desisyon, malinaw ang itinakda ng SC na anumang pagpapaliban sa hinaharap ay dapat na alinsunod sa nakatakdang guidelines kabilang ang public emergency at sinabing ito ay “intended to safeguard other fundamental rights of the electorate.”

Binalanse at kinilala din ng SC ang awtoridad ng Kongreso na gumawa ng batas sa mga “hold over” sa hinaharap para sa incumbent barangay at SK officials kahit nakikita ito ng petitioners bilang “legislative appointments.”

Aniya, kinikilala rin ng SC ang legal practically at pangangailangan ng proceedings sa pagsasagawa ng BSKE sa ilalim ng RA 11935 sa October 2023, sa ilalim ng “Operative Fact Doctrine.”

“Ito po ay sang-ayon din sa 1971 decision ng Supreme Court eh—Agbayani vs. PNB—na kinikilala na kung mayroon ng effect yung nagawang batas bago pa ito i-declare na unconstitutional, hindi naman po ito totally void o ipapawalang-bisa,” aniya.

“Yung inihanda na ng Comelec—yung pagprint ng balota, yung date na ini-schedule na—matutuloy po ‘yon,” giit ni Tolentino. Ernie Reyes