MANILA, Philippines – NAKAPULONG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Biyernes, Hulyo 4 ang mga mangingisda sa panahon ng kanyang pag-inspeksyon sa General Santos Fish Port Complex (GSFPC) sa General Santos City.
Inilatag ng Pangulo ang kanyang mga plano para i-upgrade ang fishing infrastructure at paghusayin ang tinatawag na ‘cold chain system’ sa bansa.
Sa pakikipag-usap sa mga mangingisda sa General Santos City, binisita ni Pangulong Marcos ang GSFPC upang makita at maintindihan ang sistema na ginamit sa pangingisda.
Tinukoy ng Pangulo ang pangangailangan na magtayo ng mas maraming cold storage facilities at fish ports upang masiguro at mapanatili ang kalidad at kaligtasan ng mga isda at seafood.
“Kaya’t gagawin naming lahat para masuportahan hindi lamang yung cold storage kung hindi yung buong cold chain para yung nahuhuli natin pagdating sa market ay maganda pa rin at yung quality ng isda ay ma-maintain para siyempre, mas maganda ang benta,” ayon sa Pangulo.
“Napupunta sa fisheries ang pag-asa. Kaya’t kayo muna, tutulungan, gagawin namin ang lahat. ‘Yun na nga, ang mga sistema, magtatayo tayo ng mga fish port, mga agricultural port para mabawasan ang ating transport cost pati ice plant para doon sa maliliit na bagsakan eh merong pagkukuhanan ng yelo,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, kinilala naman ng Pangulo ang mahalagang papel ng sektor ng pangingisda para makamit ang food security at mapanatili ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ang gobyerno aniya, sa pamamagitan ng Department of Agriculture, gagawin ang lahat ng makakaya nito para i-develop ang industriya.
“Sige lang, patuloy niyo. Malaki ang kontribusyon ng GenSan at lahat ng fisheries industry sa pagpapakain sa buong Pilipinas kaya maraming maraming salamat sa inyong ginagawa, hindi lamang sa food supplies kung hindi pati sa pag-export natin,” ang winika ng Pangulo.
Sa panahon ng inspeksyon, nasaksihan ng Pangulo ang tuna trading activities sa fish port, kabilang na ang ‘unloading, weighing, at grading’ ng fresh tuna para sa export.
Ang General Santos City, kilala bilang sentro ng Philippine tuna industry, tahanan ng walong major tuna canneries, fish processors, at exporters.
Samantala, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng livelihood projects mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kabilang dito ang “fish aggregating device/payao; salt production; fishing boats; marine engine; fish farming inputs; village-type fish processing center; fish processing equipment at marketing supplies; at kompletong seaweed farm implements and maintenance para sa anim na seaweed nurseries.” Kris Jose