Home NATIONWIDE Pagpasa ng ‘Talampas’ chart sa UN, magsisimula ng ekplorasyon ng langis –...

Pagpasa ng ‘Talampas’ chart sa UN, magsisimula ng ekplorasyon ng langis – TOL

Binigyang-diin ni Senator Francis "TOL" Tolentino kung gaano kalawak ang magiging pakinabang ng bansa sa karagatan mula nang ipasa ang batas na kanyang iniakda – ang Philippine Maritime Zones Law (RA 12064) – noong Nobyembre.

MANILA, Philippines – Magbibigay-daan sa eksplorasyon ng mga nakadepositong-yaman ang pormal na pagsusumite ng bansa sa ‘Talampas ng Pilipinas’ chart sa International Seabed Authority (ISA) ng United Nations para matugunan ang pangangailangan sa enerhiya ng bansa.

Ito ang ibinahagi ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa isang panayam sa radyo kahapon ng umaga ukol sa mayamang undersea landmass, na nasa eastern seaboard ng bansa malapit sa lalawigan ng Aurora.

Binigyang-diin din ng senador kung paano ipinakikita ng UN submission ang pakinabang ng bansa mula nang ipasa ang batas na kanyang iniakda – ang Philippine Maritime Zones Law (RA 12064) – noong Nobyembre.

“Ang ibig sabihin nito sa bawat Pilipino ay ganito: mas mababang presyo ng gasolina at enerhiya. Ito ang maaaring maging susi sa industriyalisasyon ng Pilipinas,” aniya.

“Sa sukat nitong 13 million hectares, hindi ko masimulang maisip kung gaano karaming langis, natural gas, at methane deposits and pwedeng minahin mula sa Talampas ng Pilipinas,” dagdag nya.

Ikinumpara niya ang laki ng naturang undersea plateau sa Malampaya natural gas fields sa Palawan na sumusukat nang 300,000 hectares – ngunit tinatayang mauubos na pagdating ng taong 2027 o 2028.

Magugunitang si Tolentino mismo ang nagpangalan sa ‘Talampas ng Pilipinas’ mula sa dating ‘Benham Rise’ sa ilalim ng Section 8 ng RA 12064. Gayundin, ang ‘Tolentino Law’ ang nagtakda sa batas ng ‘West Philippine Sea’ sa Sections 2 at 5 nito.

“Madalas nating pag-usapan ang West Philippine Sea, pero halos walang naririnig tungkol sa Talampas ng Pilipinas, na mayaman sa manganese nodules, methane deposits, gas at langis, at rare earth materials,” ipinunto nya.

“Dahil sa UN recognition, walang ibang bansa, kahit China, ang maaaring umangkin dito; atin ang Talampas ng Pilipinas!” pagdidiin ng senador. Kasabay nito ay nagmungkahi sya sa gobyerno na simulan nang pangalanan ang iba’t ibang features ng Talampas, gamit ang mga pangalan ng mga bayani, gaya nina Gabriela Silang, Gregorio Del Pilar, at Andres Bonifacio.

Ibinahagi rin ng senador na taong 2022 pa nang pangunahan nya ang pagtatatag ng isang Naval Base sa Aurora para mabantayan ang Talampas. Nakaplano na rin ang pagtatayo ng Coast Guard Base sa lugar.

Sa loob ng maraming taon, isang multi-agency government program ang nagsasagawa ng pagsasaliksik sa deep-sea biodiversity ng Talampas. Ngunit Marso at Nobyembre noong isang taon nang mamataan ang pag-iikot ng Chinese research vessels sa naturang rehiyon sa loob ng exclusive economic zone ng bansa. RNT