Home NATIONWIDE Pilipinas ‘di pa handa sa M-7.7 na lindol – OCD

Pilipinas ‘di pa handa sa M-7.7 na lindol – OCD

View of a collapsed building after a strong earthquake struck central Myanmar on Friday, earthquake monitoring services said, which affected Bangkok as well with people pouring out of buildings following the tremors in the Thai capital, in Bangkok, Thailand, March 28, 2025. REUTERS/Ann Wang

MANILA, Philippines – Hindi pa handa ang Pilipinas para sa magnitude 7.7 na lindol na katulad ng tumama sa Myanmar noong nakaraang linggo, ayon sa Office of Civil Defense nitong Lunes, Marso 31.

“Hindi natin pwedeng pagandahin yang sagot. Kailangang maghabol tayo talaga,” pahayag ni OCD Administratör Undersecretary Ariel Nepomuceno sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Ani Nepomuceno, mayroong dalawang lebel ng kahandaan sa oras na tumama ang isang malakas na lindol.

Aniya, marami nang mga Pinoy ang nakakaalam sa “duck, cover and hold” tuwing may lindol dahil sa mga earthquake drill.

Unang lebel ng kahandaan para sa malakas na lindol ay ang engineering solutions sa pagsasagawa ng mga tirahan, gusali at tulay na earthquake proof. Kailangan din aniya na ma-retrofit ang mga paaralan at health center para makaligtas sa malakas na lindol.

“Doon tayo dapat maghabol ng todo-todo,” sinabi ni Nepomuceno.

Handa rin umanong tumugon ang pamahalaan sa malakas na lindol sa pagkakaroon ng mga ‘trained team’ ng mga rescuer.

Kamakailan ay sinabi ng Phivolcs na hinog na ang Marikina West Valley fault, isa sa aktibong fault sa bansa, lalo’t hindi pa ito gumagalaw matapos ang 200 taon.

Samantala, sinabi ni Nepomuceno na maaaring magdulot ng magnitude 8.3 na lindol ang Manila Trench Fault at posible rin ang tsunami.

Dahil dito ay hinimok ng OCD ang mga Filipino na bisitahin ang hazardhunter.ph at ilagay ang address “to see if their house is near a fault system or near a landslide-prone area.”

“Pag magpapagawa ng bahay, huwag nang i-short cut ang mga permit…Dapat paghandaan ‘yung ganito….huwag nating asahan yung national government.”

“Sinisigurado ng pamahalaan na ‘yung ibat-ibang scenario ay handa tayo.” RNT/JGC