MANILA, Philippines- Isang resolusyon ang inihain sa Kamara na humihiling na imbestigahan ang pagtanggal ng Nestle Philippines sa may 140 empleyado nito.
Sa inihaing House Resolution 1067, iginiit ng Makabayan Bloc na nagkaroon ng paglabag sa Collective Bargaining Agreement (CBA) sa pagitan ng Wyeth-Nestle at Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) nang hindi nito papasukin sa trabaho ang 140 mangagawa nito sa kanilang Canlubang plant noong May 18.
“Dapat imbestigahan ito ng kagyat ng Department of Labor and Employment at ng Konggreso dahil hindi lang 140 workers ang magugutom, kasama na ang kanilang pamilya,” pahayag ni ACT Teachers Rep. France Castro.
“Hindi katanggap-tanggap ang cost cutting at the expense of workers. Samantalang kumita naman ang Wyeth ng bilyun-bilyon dahil sa productivity ng mga manggagawa,” dagdag pa ni Castro.
Giit naman ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, dahil mayroong CBA ay dapat nagkaroon ng usapan sa pagitan ng mga empleyado at ng management.
Sa panig ng Wyeth Nutrition sinabi nito na walang lock-out silang ipinatupad, ang nangyaring mas termination ay resulta ng “cost-saving and cost-competitiveness strategy”.
“We recognize the effects of this development on our affected employees and their families. We have exerted all efforts to minimize the impact on our employees and ensure fairness, while we pursue the sustainability of the factory,” paliwanag ng kompanya.
Tiniyak nito na ang mga apektadong mangagawa ay makakatanggao ng separation pay na mas mataas pa sa itinatakda ng batas gayundin ay mayroon silang inilatag na mga programa para tulungan ang mga empleyado. Gail Mendoza