MANILA, Philippines- Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules na simula sa Huwebes, Mayo 16, sisimulan na nitong hulihin ang jeepney drivers na hindi nakapag-consolidate ng kanilang public utility vehicles (PUV) sa mga kooperatiba.
Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na ituturing na ilegal ang PUV operators na hindi nag-apply para mag-consolidate ng operasyon bilang bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) matapos ang April 30, 2024 deadline, at ituturing ang kanilang unconsolidated jeepneys na “colorum.”
“Pwede na kaming mag-flag down bukas and pwede na kaming manghuli ng driver ng sasakyan dahil tapos na rin po ang binigay nating palugit para sa kanila para ‘wag na pong mag-byahe ‘yung mga hindi pa po nag-consolidate,” pahayag ng opisyal.
Sinabi ni Guadiz na ang unconsolidated jeepney drivers na mahuhuling bumibiyahe simula sa Huwebes ay maaaring maharap sa isang taong suspensyon, habang ang kanilang PUV ay maaaring patawan ng P50,000 penalty at maharap sa 30-day impoundment.
Sa Metro Manila, sinabi niyang mayroong 1,900 unconsolidated jeepneys na hindi na magiging bahagi PUVMP.
Matatandang nag-isyu ang LTFRB ng show-cause orders sa mga hindi nag-consolidate upang makapagpaliwanag sila kung bakit hindi sila nakatalima sa deadline ng pamahalaan. Binigyan ng limang araw ang mga apekatdong driver upang makatugon.
“Halos lahat napadalhan na since May 2. Namo-monitor naman namin ang pagtanggap nila ng show-cause order,” paglalahad ni Guadiz.
Nauna nang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ipagbibigay-alam sa unconsolidated operators at drivers ang pagkansela sa kanilang prangkisa “a week or two” matapos ang April 30 consolidation deadline.
Taong 2017 nagsimula ang PUVMP na naglalayong palitan ang mga jeepney ng mga unit na may Euro 4-compliant na makina para mabawasan umano ang polusyon. Layon din nitong palitan ang mga unit na matutukoy na hindi na “roadworthy” ayon sa pamantayan ng Land Transportation Office.
Nagkakahalaga ang modern jeepney unit ng mahigit P2 milyon, halagang mismong state-run banks LandBank at Development Bank of the Philippines na ang nagsabing masyadong mahal para sa PUV drivers at operators. RNT/SA