MANILA, Philippines – Sinabi ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na walang indikasyong sinadya ang pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) para matabunan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
“Wala po akong nakikitang ganoon klaseng angulo, nagkakataon lang po talaga,” ani Adiong, tagapagsalita ng House prosecution panel.
Ayon sa kanya, may sariling schedule at procedures ang ICC kaya hindi maaaring diktahan kung kailan nito isasagawa ang mga hearing.
“Meron naman pong sariling guidelines ang ICC at sa palagay ko naman, hindi mo naman po pwedeng diktahan din ang ICC kung kailan po silang mag-hold ng kanilang hearing,” aniya.
Personal na humarap si Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands noong Miyerkules, Sept. 16, sa isang status conference bago ang nakatakdang pagsisimula ng kanyang trial sa Nobyembre 30.
Dahil dito, nakakuha ng malaking atensyon ang dating Pangulo sa Pilipinas habang nagpapatuloy naman ang impeachment proceedings laban sa kanyang anak na si VP Sara Duterte.
“Nagkataon lang po talaga, ganon talaga ang buhay. Merong nagkakataon,” sabi ni Adiong.
Hindi rin naniniwala si Adiong na matatalo ng ICC appearance ni Duterte ang atensyon ng publiko sa impeachment trial ni Sara, na aniya’y patuloy na sinusubaybayan ng mga Pilipino.
“So hindi ho, kasi in fact, historic nga ito eh, at nakita po natin sa viewership talagang engaged ang ating taong bayan. That’s how important this topic is and that’s how invested the public is in the case of impeachment against the Vice President,” ani Adiong.
Si Duterte, 81, ay unang lumitaw sa ICC sa pamamagitan ng video link matapos siyang ilipat sa The Hague noong Marso 2025. Noong Abril, kinumpirma ng ICC ang tatlong counts ng crimes against humanity laban sa kanya kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga. Itinakda ang paglilitis sa kaso.
Itinanggi naman ni Duterte ang anumang maling ginawa.
Samantala, nagpahayag sina Adiong at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ng suporta sa dating Pangulo.
“We wish him well,” ani Chua.
Sinabi naman ni Adiong na ang mahalaga ay nagpapatuloy ang kaso sa ICC.
“What is important is tumatakbo na, tumutuloy na ang kaso,” aniya.
Dagdag niya, “we do really wish him well.” RNT/MDS