Home NATIONWIDE Pagtanggap ng Pilipinas sa Afghan nationals suportado ng BARMM

Pagtanggap ng Pilipinas sa Afghan nationals suportado ng BARMM

MANILA, Philippines – Buo ang suporta ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa desisyon ng pamahalaan na payagan ang limitadong bilang ng Afghan nationals sa Pilipinas habang ipinoproseso pa ang kanilang settlement sa Estados Unidos.

Matatandaan na ang Pilipinas at US ay nagkasundo na pumapayag para sa limitadong bilang ng Afghans na manatili sa Pilipinas nang hindi lalampas sa 90 araw habang kinukumpleto pa ang pagproseso ng kanilang visa para sa US Special Immigrant Visa (SIV).

Sa pahayag nitong Huwebes ng gabi, Agosto 22, sinabi ni BARMM Spokesperson Mohd Asnin Pendatun na handang makipagtulungan ang Bangsamoro government sa national government “to ensure the efficient and successful implementation” ng naturang inisyatibo.

“The Bangsamoro Government stands in full support of the US-Philippine agreement on processing Special Immigrant Visas for Afghan nationals,” dagdag pa ni Pendatun.

“This noble endeavor underscores the importance of humanity in our shared global community, as we extend a helping hand to those in need.”

Ang kasunduan na pirmado sa pamamagitan ng isang executive agreement, ay kailangan lamang ratipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maipatupad.

Sasagutin naman ng US government ang gastos ng Afghan nationals habang nandito sa Pilipinas kabilang ang kanilang pagkain, tirahan, security, medical at transportasyon para makumpleto ang kanilang visa processing.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng State Department na ang US “appreciates its long and positive history of bilateral cooperation with the Philippines” at nagpasalamat sa Pilipinas sa suporta nito sa mga ka-alyadong Afghans. RNT/JGC