Home OPINION PAGTAWA COMPLICATED NA RIN SA 2 BABAE

PAGTAWA COMPLICATED NA RIN SA 2 BABAE

MASAMA ba ang tumawa?

Si Pangulong Bongbong Marcos, tawa nang tawa kapag tinatanong siya ng media kung ano ang relasyon niya ngayon kay ex-Pangulong Digong Duterte.

Pagkatapos nito, sinabi niyang complicated, kasabay ng kanyang pagtawa, sabay-sabing hindi apektado ang pamimitik sa kanya ni ex- Pang. Digong na isa siyang iyakin at bangag.

Higit na mahalagang pagtuunan ko ng pansin ang aking tungkulin bilang Pangulo ngayon ng bansa, ayon kay Presidente Marcos.

Magandang panoorin ang masayahing si Pang. Bongbong at ang mapagpatawang Pangulo na si ex-Pang. Digong.

Pero itong sina First Lady Liza Araneta-Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio, pigil yata sa pagtawa sa isa’t isa, ayon sa ulat ng ilang media.

Kasing lamig ng ilong ng pusa ang relasyon ng dalawa?

Sana naman hindi totoo dahil maaaring maapektuhan ang paggampan ng tungkulin sa pamahalaan, lalo na sa parte ni Inday Sara bilang Vice President at Education Secretary.

Kung totoo naman, hindi personal ang pangunahing dahilan niyan kundi politika.

Konektado lahat ‘yan sa 2028 na pagkakaroon muli ng bagong Pangulo na posibleng magmula sa mga pamilyang Marcos o Duterte.

‘Yan ay kung hindi magtatagumpay ang inilalakad na charter change na magbabago ng sistema ng pamahalaan mula sa presidential patungo sa parliamentary na ikawawalis ng makapangyarihang Pangulo bilang lider ng bansa.

Pero, plis lang, isantabi muna yang mga ganyang usapin lalo’t nahaharap ang Pinas sa malalaking suliranin.

‘Yang posibleng malawakang gulo sa Middle East mula sa giyerang Israel at Iran, tiyak na makaaapekto sa nasa dalawang milyong overseas Filipino worker.

Nasaan na ang partisipasyon ng dalawang babaeng nabanggit para sa proteksyon ng mga OFW at higit na maraming bumubuo ng mga pamilya OFW na mahaharap sa gutom at sari-saring paghihirap?

Paano ring makatutulong ang dalawang babae na iahon ang 100 milyong Pinoy sa krisis sa sobrang mataas na presyo ng mga bilihin, kasama ang bigas?