Home NATIONWIDE Pagtitiyak ng bagong NBI director: Pagtugis sa mga pugante magpapatuloy

Pagtitiyak ng bagong NBI director: Pagtugis sa mga pugante magpapatuloy

MANILA, Philippines- Magpapatuloy ang pagtugis ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga takas mula sa batas, binigyang-diin ng bagong hirang na direktor ng ahensya na si Jaime Santiago.

Kasunod ang pahayag ni Santiago ng tanong kung patuloy ang NBI sa paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Apollo Quiboloy,  nananatiling malaya sa gitna ng arrest warrants na inilabas laban sa kanya.

Sa ginanap na turn-over ceremony, sinabi ni Santiago na lahat ng hinahanap ng batas ay kanilang huhulihin.

Noong nakaraang linggo, naglabas ng warrant of arrest ang mga awtoridad laban kay Quiboloy  sa KOJC compound, ang malawak na 25-ektaryang Glory Mountain sa Barangay Tamayong; at sa katabing 50-ektaryang Prayer Mountain.

Samantala, sinabi ni Santiago na handa siyang aksyunan ang kaso ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Ayon pa sa bagong direktor ng NBI, ipatutupad nito ang “reward system” para sa mga empleyado.

“Yung intelligence fund naming uubusin ko sa reward na ‘yan. Para ganahan ang ating mga ahente. May reward system. Maganda ang trabaho mo , may reward ka sa akin,” sabi ni Santiago.

Bukod dito, sinabi ni Santiago na inatasan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aksyunan ang cybercimes.

Nanumpa si Santiago sa harap ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Biyernes. Jocelyn Tabangcura-Domenden