MANILA, Philippines – Naninindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtutol sa mga pahayag ng Chinese Embassy na itinuturing nitong pakikialam sa panloob na usapin ng bansa.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, labag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations ang pahayag ng Chinese Embassy na nagnanais linawin ang mga pahayag ni Tarriela.
Giit ni Tarriela, ang isyu ay hindi ang mga pahayag ng tagapagsalita kundi ang paulit-ulit na agresibo at ilegal na kilos ng China sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga ilegal na kilos ng China ay ang mapanganib na maniobra, water cannon attacks, at pananakot sa mga sasakyang pandagat ng PCG, BFAR, at mga mangingisdang Pilipino sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Patuloy din ang presensya ng Chinese maritime militia at ang pagtatayo ng mga artipisyal na isla na taliwas sa 2016 Arbitral Award. ยน
Ang PCG ay may tungkulin na ipabatid sa publiko at sa international community ang mga nagaganap sa West Philippine Sea alinsunod sa internasyonal na batas at sa karapatan at soberanya ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden