Home METRO Tanker truck sinuwag ng kotse sa Bataan; bumaliktad, nagliyab

Tanker truck sinuwag ng kotse sa Bataan; bumaliktad, nagliyab

239
0

BATAAN, Philippines – Bumaliktad at nagliyab hanggang sa masunog ang isang tanker trak na kargado ng gasolina at krudo kung saan kumalat ang apoy sa mahabang parte ng lansangan matapos banggain ito ng isang kotse nitong biyernes ng hapon sa kahabaan ng Roman Expressway, Barangay Puting Buhangin, Orion.

Kita sa kuha ng CCTV ang malakas na pagbangga ng isang puting kotse (Honda Civic) sa kasalubong na tanker truck na bumaliktad at dumausdos hanggang sa magliyab at masunog ito.

Sa lakas ng impact banggaan, nagmistulang niyuping lata ang kotse, habang tumapon ang lamang krudo at gasolina ng tanker kung saan ngakaroon ng pagsabog kaya mabilis kumalat ang apoy sa mahabang parte ng kalsada na sinasabing may ilan pa umanong nadamay na mga nakaparadang mga sasakyan.

Naisugod sa pagamutan ang mga sakay ng kotse at tanker kung saan hindi pa batid ang bilang kung ilan ang nasugatan sa insidente.

Naging pahirapan ang pag-alis sa tatlong sakay ng kotse dahil sa pagkakaipit na kinailangan pang gamitan ng special tools para mailabas ang mga ito.

Galing ng Limay Depo ang tanker nang mabangga ng mabilis na kasalubong na kotse.

Naganap ang aksidente dakong alas 5:13 ng hapon kasabay ng pagsiklab ng apoy na tumupok sa tanker kung saan kumalat ang apoy dahil sa pagsabog.

Naapula ang apoy dakong alas 6:15 ng gabi na nagdulot ang aksidente ng matinding pagsisikip ng daloy trapiko sa magkabilang panig ng lansangan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang may dapat na pananagutan sa aksidente at habang isinusulat ang Balitang ito ay hindi pa batid ang halaga ng pinsala, gayundin ang aktwal na bilang ng mga sugatan, habang gumugulong pa ang imbestigasyon sa insidente. (ROEL TARAYAO)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here