Home NATIONWIDE Palasyo sa pagpapalibing sa ama ni PBBM: ‘Ang utang na loob dapat...

Palasyo sa pagpapalibing sa ama ni PBBM: ‘Ang utang na loob dapat may hangganan’

MANILA, Philippines- Pinabulaanan ng isang Palace official nitong Martes ang mga pahayag na walang utang na loob si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya Duterte sa pagbibigay sa kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ng hero’s burial noong 2016.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nakapagpasalamat na ang nakababatang Marcos sa Supreme Court at kay dating Pangulong Duterte sa pagpayag na mailibing ang dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani.

“Ang utang na loob hindi lisensiya para di tuparin ang batas. Wag po nilang sabihin, ‘Pinalibing ko tatay mo, ipapakulong mo tatay ko.’ Minsan po ang utang na loob maganda po itong trait ng Filipinos pero hindi dapat lagi-lagi dahil nakakasira po ito sa trabaho,” pahayag ng opisyal.

“May pagkakataon na hindi mo gagawin ang dapat gawin dahil sa utang na loob, tumatanaw ka ng utang na loob. So siguro ang utang na loob dapat may hangganan. Maging professional tayo, sundin natin ang sinasabi ng batas, gawin natin ang nararapat.”

Sa panayam, binatikos din ni Castro ang “fake news” na sasalakayin umano ng kapulisan ang  bahay ni Duterte sa Davao City. 

Aniya, hindi dapat matakot sa pagsisiyasat ng pulis sa tahanan “unless there is contraband in the house.”

“Hindi pinapansin ng pangulo ‘yung ginagawa ng mga Duterte. Pero para sa akin, dahil kumakalat ang fake news, hinahayaan nila ang fake news, hindi nila ito itinutuwid,” aniya.

“Dapat hindi rin sila maging iresponsable sa kanilang mga sinasabi, considering na sila’y halal ng batas. Pag-sumobra at ito’y nakaka-alarma na sa bayan at sa pamahalaan, dapat na kaming kumilos at pigilan kung ano pa ang iligal na maaari nilang gawin,” dagdag ng opisyal. RNT/SA