Home OPINION PAMBASTOS SA SENADO, PAMBASTOS SA BAYAN

PAMBASTOS SA SENADO, PAMBASTOS SA BAYAN

62
0

NAKABABAHALA at nakadidismaya ang mga eksenang nasaksihan ng publiko sa Senado nitong mga nakaraang araw. Sa halip na maging simbolo ng disente at marangal na pamamahala, tila naging entablado ito ng pulitika, paghihiganti, at lantarang pambabastos sa mismong institusyong dapat ay iginagalang ng lahat.

Hindi maikaiila ang pagkadismaya ng marami sa naging kilos ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III laban sa kanyang dating kasamahan na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Sa mata ng publiko, ang pananahimik o tila pagtalikod sa isang kapwa senador sa gitna ng isang kontrobersyal na sitwasyon ay maituturing na isang uri ng pagtataksil sa samahang minsang kanilang pinagsamahan. Sa halip na pairalin ang parliamentary courtesy at respeto sa institusyon, mas nanaig ang pulitika at personal na interes.

Mas lalong uminit ang sitwasyon dahil sa pakikialam ni dating Senador Antonio Trillanes IV na tila ba siya pa ang nagdidikta kung paano dapat umusad ang Senado. Nakapagtataka kung bakit tila napakalaki ng impluwensya ng isang taong wala na sa pwesto ngunit patuloy na nakikialam sa mga sensitibong usapin ng gobyerno. Sa halip na tumulong sa pagpapakalma ng tensyon, tila lalo lamang nitong ginatungan ang kaguluhan para sa pansariling agenda at pagpapakitang-gilas sa publiko.

Ngunit ang pinakamatinding dagok sa dignidad ng Senado ay ang umano’y pagsulpot ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI sa loob mismo ng Senado upang tangkain umanong arestuhin si dela Rosa. Para sa maraming Pilipino, hindi ito simpleng operasyon lamang. Isa itong malinaw na paglapastangan sa parliamentary courtesy at sa kalayaan ng isang hiwalay na sangay ng pamahalaan.

Kung kayang pasukin at gipitin ng kapangyarihan ang Senado, paano pa ang ordinaryong mamamayan? Nakatatakot isipin na habang abala ang taumbayan sa paghahanapbuhay at pakikipaglaban sa hirap ng buhay, ang administrasyon naman ay tila mas abala sa paggamit ng kapangyarihan laban sa mga itinuturing na kalaban.

Kapag ang gobyerno ay mas inuuna ang pananakot kaysa paglilingkod, unti-unting namamatay ang tiwala ng bayan sa demokrasya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here