Home OPINION ‘TRIAL’, HINDI LANG TUNGKOL KAY VP SARA

‘TRIAL’, HINDI LANG TUNGKOL KAY VP SARA

55
0

MARAMI ang nakatuon ngayon sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Ngunit kung susuriing mabuti, hindi lamang si VP Sara ang nasa “trial” sa panahong ito. Kasama ring sinusubok ang integridad ng Kongreso, Senado, Korte Suprema, at maging ang tibay ng ating demokratikong institusyon.

Totoong wala nang nakakagulat sa naging botohan sa House of Representatives. Hawak ng administrasyon ang malaking bilang, kaya’t halos inaasahan na ng lahat ang magiging resulta. Tapos na ang laban sa Kamara. Ang Articles of Impeachment ay nakatakda nang i-transmit sa Senado, at doon na uusad ang mas mabigat na yugto ng prosesong ito.

Ngunit habang abala ang marami sa pagdiriwang ng bilang ng boto, tila natabunan naman ito ng mas malaking kaganapan sa Senado — ang pagbabago ng liderato at ang paglitaw ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa plenaryo. Tahimik ngunit malinaw ang paggalaw ng puwersa ng dating minorya, habang maingay namang ipinapakita ng House majority ang kanilang political numbers. Ipinapakita lamang nito na hindi simpleng legal na proseso ang impeachment; ito ay labanan din ng impluwensiya, kapangyarihan, at political survival.

Ngayon, nasa Senado na ang sentro ng laban. Sila na ang kikilos bilang impeachment court. Ngunit kailan magsisimula ang trial? Kailan matatapos? Ano ang magiging hatol? Ang lahat ng ito ay wala na sa kamay ng House kundi nasa pagpapasya na ng Senado.

Mahalagang tandaan na ang salitang “forthwith” sa transmission at aksyon ay hindi nangangahulugang “agad-agad.” Nilinaw na ito ng Korte Suprema noon — dapat itong gawin sa loob ng reasonable time depende sa sitwasyon at mga pangyayari.

Kasabay nito, hindi rin dapat maliitin ang magiging papel ng Korte Suprema sa mga petisyong kumukuwestiyon sa constitutionality ng proseso sa House of Representatives, lalo na sa tinatawag na “mini trial” ng justice committee. Kapag proseso ang naging kuwestiyon, hindi na lamang personalidad ang pinag-uusapan kundi ang mismong pagtalima sa Saligang Batas.

Hindi lamang kapalaran ni VP Sara ang nakataya rito. Ang tunay na sinusukat ngayon ay kung nananatili pa bang matatag, patas, at may respeto sa Konstitusyon ang ating mga demokratikong institusyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here