Home NATIONWIDE Pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa WPS kinondena sa Senado

Pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa WPS kinondena sa Senado

MANILA, Philippines- Mariing kinondena ng dalawang senador ang panibagong pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS) matapos nitong bombahin ng tubig ang BROP Singdangan na nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Unang pumalag sa pambu-bully ng China si Senador Grace Poe sa pagsasabing “illegal at mapanganib” ang pagkilos ng CCG nang bombahin ng tubig sa barkong nagsasagawa ng mapayapang resupply mission tulad nang kanilang ginawa noon.

“The water cannon attack against our ship on a peaceful resupply mission is deplorable and must stop,” ayon kay Poe.

Sinabi ni Poe na nananatiling matibay ang paninindigan ng Pilipinas na legal ang resupply mission sa loob mismo ng ating teritoryo sa WPS at hindi dapat pigilan o panghimasukan ng dayuhan.

“We support the rules-based order in the South China Sea consistent with international laws. But we must not let pass these harassments and attacks against our Coast Guard and our people,” ayon kay Poe.

Sumunod naman si Senador Jinggoy Estrada, chairman ng Senate committee on national defense, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng suporta sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Coast Guard (PCG).

Hiniling ng DFA at PCG sa China na itigil ang harassment sa barko ng Pilipinas patungo sa resupply mission sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, aniya.

Binanggit din ni Estrada na ilang ulit nang nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at CCG, kasama sa ilang Chinese militia vessels, na nangyari sa lugar.

“Malinaw ang mga bullying tactics nila sa ating mga sasakyang pandagat at sa mga pagkakataong ito, kailanman ay hindi tayo naging banta sa kanilang seguridad,” giit ni Estrada.

Sinabi ng senador na hindi sapat na dahilan para sa CCG na mambomba ng tubig sa PCG na nagsasagawa ng resupply mission na nalagay sa panganib ang kaligtas ng ating coast guard.

“I call on China to respect international maritime laws, adhere to established norms, and cease bullying tactics. Such provocative actions are unacceptable,” giit niya.

“As a nation, we remain committed to safeguarding our territorial integrity and protecting the rights of our seafarers. We call on the international community to closely monitor regional developments and support efforts to maintain a rules-based order,” dagdag ng senador. Ernie Reyes