MANILA, Philippines – Nagtipon ang mga kaanak ng mga biktima ng war on drugs ng administrasyong Duterte sa University of the Philippines Diliman noong Biyernes, kasabay ng pagpapatuloy ng confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Hague.
Idinaos ang “justice watch” malapit sa UP College of Mass Communications, kung saan pinanood ng mga pamilya ang livestream ng pagdinig at nanawagan ng pananagutan para kay Duterte at pag-aresto sa mga sinasabing ‘co-perpetrators’, kabilang sina Sen. Ronald dela Rosa, dating PNP chief Oscar Albayalde, Sen. Bong Go, at dating MPD director Vicente Danao.
Suot ang puting ribbon na may “Hustisya,” nagpahayag ng suporta ang mga pamilya sa presentasyon ng prosekusyon sa kasong crimes against humanity at naniniwalang sapat ang ebidensya para umusad sa full trial.
Ayon kay Atty. Josa Deinla ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), maayos at detalyado ang paglatag ng prosekusyon, kabilang ang “common plan” at umano’y papel ni Duterte bilang indirect co-perpetrator.
“Lagi naming pinapahayag na bilib talaga kami sa prosecution, humanga kami, sa naging method nila papaano nila inilahad ang teorya ng prosecution, very meticulous inisa-isa ang mga charges sa yugto kung saang na nagsimula ito noong panahon pa na mayor pa si dating Presidente Rodrigo Duterte. Tapos later on naging national yung scale of attacks nung siya ay naging pangulo na,” ani Deinla.
“Inilahad yung mga elemento ng common plan, ano ang mga naging partisipasyon ni Duterte dito bilang isang indirect co-perpetrator, bagamat hindi siya yung mismong bumaril sa mga biktima, ay siya ay malaki ang naging papel sa tinatawag na common plan to neutralize the alleged or suspected drug offenders,” dagdag niya.
Tinutulan din niya ang depensa na walang “criminal intent” ang dating pangulo.
“What we have been hearing sa tugon naman ni Nicholas Kaufman, the defense counsel, of course it’s largely denial…,” aniya, at iginiit na kasinungalingan umano ang mga ito.
Nanindigan ang mga pamilya na ipagpapatuloy ang laban para sa hustisya anuman ang maging desisyon ng pre-trial chamber matapos ang 60 araw. RNT/MND