DAPAT paigtingin ang pananaliksik at produksyon ng mga palay na ating itinatanim sa mahal kong Pinas.
Kung noon, nag-eeksperimento ang Pinas ng mga palay na malaki ang ibinubunga nitong ani gaya ng mula sa isang tonelada hanggang apat tonelada bawat ektarya o mahigit pa, at kasama ang kung paano patibayin ang mga ito laban sa mga peste at sobrang tubig o sobrang tuyo ang lupa, dapat tingnan din kung paano maging maayos ito sa kalusugan ng tao.
‘Yun bang === dapat na panlaban o pambawas din sa sakit gaya ng diabetes o anomang sakit na nanggagaling mismo sa palay.
MASAGANANG ANI
HINDI malilimutan ng lahat ang panahon na nagkaroon tayo ng miracle rice simula noong 1986 na pinasimulang ng Pilipinas at India.
Pinangalangan IR8 ang miracle rice, dito nagsimula ang Green Revolution makaraang umupo bilang Pangulo si Ferdinand Marcos Sr.
Itong miracle rice ay nasa dalawang piye lang ang tangkad at malayong mababa kumpara sa gatao at makarayom na palay noon.
Ginagamitan ito ng panggapas kaya mabilis ang pag-aani at hindi katulad ng matatangkad na palay na inaani sa patalim na iniipit sa daliri kaya mabagal ang pag-ani.
Sa mano-manong pagtanggal ng butil, ginagapos lang ng tsako ang miracle rice saka inihahampas sa banig o hampasan kaya mabilis kumpara sa lumang palay na binabayo sa lupa.
Pero ng miracle rice ang pagkakaroon ng malalaking rice thresher at umiikot o portable na rice mill na hila-hila lang ng isang hand tractor o jeep kaya.
Dahil sa rami ng tangkay ng miracle rice kumpara sa isa hanggang tatlo lang sa lumang palay, talaga namang higit na malaki ang ani sa miracle rice.
Kasabay rin ng miracle rice ang pagkakaroon ng magandang irigasyon noon kaya laging tiyak ang second crop at hindi katulad sa lumang palay na pang-isang panahon o season lamang.
Hanggang ngayon, may mga binhi pang miracle rice at ginagamit ito ng ilang magsasaka sa Mindanao.
Salamat kay Dr. Peter Randolph Jennings, siyentistang nagpasimula ng miracle rice at nagtiyagang ilapat ang bagong uri ng palay sa International Research Institure sa Los Baños, Laguna noong 1966.
LABAN SA DIABETES
Ngayon naman, ang Philippine Rice Research Institute o PhilRice na binuo at sinimulan pa rin ni Manong Ferdie noong Nobyembre 1985, ay nakabubuo na ng binhi na makagpagpababa ng blood sugar.
Kung matatandaan ninyo, sinasabi ng mga doktor na kabilang sa pinagmumulan ng diabetes ang sobrang pagkain ng bigas o kanin.
Ngayon, sinasabi ni Dr. Marissa Romero, food scientist, na magandang panlaban sa diabetes ang RC. 182 dahil mababa ang glycemic index (GI) o tamis nito.
Natuklasan ito ng PhilRice at IRRI.
Itong GI ng Rc. 182 ay 55 lang kumpara sa normal na bigas na may 66 GI habang 63 ang sa asukal.
Kaya, kahit makakain ka ng medyo maraming RC. 182, hindi basta tataas ang sugar mo at hindi ka basta aatakehin ng diabetes.
Salamat sa mga lider ng bansa at siyentistang nagsusumikap na makatuklas ng mga pagkaing may maraming ani at maganda sa kalusugan.