MANILA – Inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang House Bill 11287 na naglalayong pahabain ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) mula tatlo hanggang anim na taon.
Mayroon din itong probisyong nagpapahintulot sa mga halal na opisyal noong Oktubre 30, 2023, na manatili sa posisyon hanggang Mayo 2029, maliban na lang kung sila ay matatanggal o masususpinde dahil sa kaukulang dahilan.
Ayon sa panukala, gaganapin ang sabayang halalan ng barangay at SK tuwing anim na taon simula Mayo 2029. Nililimitahan din nito sa dalawang sunod na termino ang mga opisyal ng barangay, habang ang mga opisyal ng SK ay maaari lamang maglingkod ng isang termino.
Ang panukala, na inakda ng 48 mambabatas kabilang si Speaker Martin Romualdez, ay kailangang maipasa sa ikatlo at huling pagbasa bago ang adjournment ng sesyon sa Pebrero 7 upang bigyang-daan ang kampanya para sa halalan sa Mayo 2025. Muling magbubukas ang sesyon mula Hunyo 2 hanggang 13 bago tuluyang mag-adjourn ang ika-19 na Kongreso.
Samantala, inaprubahan na ng Senado ang bersyon nito na nagtatakda ng apat na taong termino para sa barangay at SK officials. Kapag naipasa na ng Kamara ang sarili nitong bersyon, bubuuin ang bicameral conference committee upang pagtugmain ang mga pagkakaiba sa dalawang panukala.
Bago ang halalan noong Oktubre 2023, ipinagpaliban noong 2020 ang barangay at SK elections. Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na muling nagpapaliban sa 2023 halalan, ngunit idineklara ito ng Korte Suprema bilang labag sa konstitusyon. RNT