Nagpahayag ng pasasalamat si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, kasunod ng pag-apruba ng Senado sa ikalawang pagbasa sa Senate Bill No. 2928 na naglalayong palawakin ang bed capacity ng Philippine General Hospital (PGH) mula 1,334 hanggang 2,200 kama.
“Ito ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagpapabuti ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa bansa. Ang PGH ay nagsisilbing lifeline para sa maraming mahihirap na pasyente, at ang pagpapalawak na ito ay malaki ang maitutulong sa pagtugon sa siksikan na sumasalot sa mga operasyon nito sa loob ng maraming taon,” sabi ni Go.
Ang PGH na itinatag noong 1907 at binuksan noong 1910, ay ang pinakamalaking modernong tertiary hospital ng pamahalaan sa Pilipinas. Nagbibigay ito ng pangangalaga sa mahigit 700,000 pasyente taun-taon, na may malaking bahagi ay mga mahihirap na Pilipino.
Gayunpaman, ang kapasidad nito ay nasobrahan, kadalasang lumalampas sa 200 porsiyento araw-araw na limitasyon nito. Binigyang-diin ni Senator Go na dapat na agad matugunan ang mga hamon sa operasyon ng ospital.
“Kapag nakita n’yo ang kalagayan ng ating mga pasyente sa PGH, minsan dalawang pasyente ang nagsi-share sa isang kama. Ganito ba ang serbisyo na karapat-dapat sa ating mga kababayan? Ito ang dahilan kung bakit palagi kong itinutulak ang mga hakbang na susuporta sa PGH,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din ni Senator Go na ang panukala ay bahagi ng kanyang mas malaking adbokasiya para sa reporma sa pangangalagang pangkalusugan, partikular para sa mga marginalized na Pilipino.
“Isa po ang PGH sa mga unang nagkaroon ng Malasakit Center. Patuloy ang suporta natin sa PGH, lalo’t malaking bahagi ang ginagampanan nito sa ating healthcare system,” ipinunto ni Go.
Bilang karagdagan, itinulak niya ang pagtatayo ng isang halfway house para sa mga bantay ng pasyente na madalas na nagtitiis sa hindi komportableng kondisyon habang inaalagaan ang kanilang mga mahal sa buhay sa ospital.
“Dapat may maayos at disenteng lugar din ang mga watchers ng pasyente. Kasama ito sa ating adbokasiya para sa mas maayos na serbisyo sa PGH,” dagdag ni Go.
Sa pag-usad ng panukalang batas sa ikatlo at huling pagbasa, umapela si Go sa kanyang mga kasamahan para sa patuloy na suporta upang matiyak ang mabilis na pagsasabatas nito.
“Hindi lang ito tungkol sa pagtaas ng bilang; ito ay tungkol sa pagsagip sa buhay at pagbibigay ng pag-asa sa ating mga kababayan na umaasa sa PGH para sa dekalidad na pangangalagang pangkalusugan, ” iginiit ni Go. RNT