MANILA, Philippines – Hiniling ng chairman ng Senate committee on higher education, technical and vocational education sa sektor ng edukasyon na ibalik ang dating school hours upang tuluyan nang mabura ang shifting sa pag-aaral na hindi nakatutulong sa estudyante.
Sa pahayag matapos matanggap ang 300 pahinang report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano, chairman ng naturang komite na dapat ayusin ng gobyerno ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Kung hindi, aniya, paulit-ulit lang na kakaharapin ng bansa ang parehong problema sa sektor ng edukasyon sa lahat ng darating na panahon.
Nitong Martes, inilunsad ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang Year Two Report nito na pinamagatang “Fixing the Foundations.”
Sa kanyang talumpati bilang co-chairperson ng komite, tinawag ni Cayetano na “truthful but depressing” ang nilalaman ng report.
“Whatever we do now, that is what we will see in 2035, 2045, and 2050,” aniya.
Naglalaman ang 300-pahinang report ng detalyadong pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas. Katambal nito ang ilang konkretong suhestyon ng komite upang na malutas ang lahat ng isyu sa bawat antas, mula early childhood education hanggang sa tertiary level.
Paghikayat pa ni Cayetano, importanteng nagkakaisa ang lahat ng lider sa iisang vision: isang education system na binubuo ng “the best schools, the best environment, and Filipinos are at their best.”
“If in your eyes you saw no more domestic helpers forced to work in the Middle East or Hong Kong because they are now better educated, or they are still abroad but they’ll be engineers, architects, that will happen if we fix our education system now,” wika niya.
Punto niya, kapag may iisang vision ang lahat ng lider, hindi mawawala ang pagkakaisa nila kahit magkakaiba sila ng pananaw sa iba’t ibang isyu.
“If EDCOM 2 was really able to paint that vision into our minds, then we can disagree with everything else pero pareho ang vision,” aniya.
Isa sa mga problemang nais unahin ni Cayetano ay ang shifting sa mga paaralan na hindi nakatutulong sa pag-aaral ng mga estudyante.
Hinimok ng senador ang education sector na ibalik sa dating full-day schedule ang pasok – mula 7 a.m. hanggang 3 p.m. o kaya 8 a.m. hanggang 4 p.m., lalo na sa mga siyudad kung saan karamihan ng mga paaralan ay dalawa o tatlo ang shifting sa isang araw.
“We can talk about technology, but if they (students) are only there for three hours, you won’t have much time with the technology. We can have better teachers, but if the teachers only have them for three to four hours, what can you do with that?” diin ng senador.
Aniya, nagawa na ito sa Taguig kung saan mula 1990s ay tinrabaho ang pagtanggal sa shifting sa lahat ng paaralan sa pamamagitan ng pagbuhos ng pondo sa sektor.
Ibinahagi rin ni Cayetano ang sariling plano na bumalangkas ng panukalang batas upang lumikha ng ikatlong EDCOM, na ilalahok bilang commissioner ang Secretary ng Department of Education (DepEd), Chairman ng Commission on Higher Education (CHED), at Director General ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Imagine the three heads of these agencies working as part of the Commission, I think it would just be great,” wika niya.
Nagpasalamat naman ang senador sa mga tauhan ng EDCOM 2 sa pangunguna ni Executive Director Karol Mark Yee, na tinawag niyang “real heart and soul” sa likod ng report.
Ngayong malinaw na napag-iiwanan na aniya ang edukasyon sa Pilipinas, dapat nang kumilos ang mga kasalukuyang lider ng bansa.
“Don’t rob from the next generation. If you are supposed to do something and you don’t do it, you’re not actually robbing that from the country but from the next generation,” aniya. Ermie Reyes