Home NATIONWIDE Panukalang gawing National Bullying Awareness and Prevention Month ang Setyembre oks sa...

Panukalang gawing National Bullying Awareness and Prevention Month ang Setyembre oks sa Kamara

Inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill No. 11198, na nagdedeklara sa buwan ng Setyembre bilang “National Bullying Awareness and Prevention Month.”

Ang panukala, na nakakuha ng 222 boto pabor noong Enero 28, ay naglalayong palakasin ang kampanya laban sa pambu-bully at protektahan ang mga kabataan mula sa pang-aabuso, pananamantala, at iba pang mapanganib na sitwasyon.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Education (DepEd), National Youth Commission (NYC), at Council for the Welfare of Children (CWC) ang mamumuno sa mga taunang programa upang itaguyod ang ligtas na kapaligiran sa pag-aaral at tiyakin ang dekalidad na edukasyon para sa lahat.

Ang Philippine Information Agency (PIA) ay tutulong sa pagpapalaganap ng impormasyon, habang hinihikayat ang mga LGU, pribadong organisasyon, at NGO na lumahok sa mga aktibidad.

Ang DepEd ang mangunguna sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang pambu-bully at iba pang uri ng pang-aabuso sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Sa loob ng 90 araw mula sa pagkatibay ng batas, maglalabas ang DepEd ng mga panuntunan sa pagpapatupad nito kasabay ng iba pang ahensya. Magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o isang pahayagang may malawakang sirkulasyon. RNT