MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng breeder goats at sheep upang mapabuti ang kalidad ng livestock at palakasin ang produksyon ng karne, partikular sa Mindanao.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., layunin ng programa na pagandahin ang genetic quality ng mga hayop at suportahan ang sektor ng pagsasaka.
Kasama sa importasyon ang 155 Anglo Nubian bucks, 175 Boer bucks, at 1,190 Boer does na ipapamahagi sa mga farm sa Cebu at North Cotabato. Karagdagang 260 Dorper rams at 4,050 Dorper ewes naman ang mapupunta sa North Cotabato.
Ang proyekto ay may pondong nakalaan sa 2024 budget, at pangangasiwaan ng National Livestock Program. Ang mga imported na hayop ay dapat pumasa sa itinakdang timbang at edad, at may presyong mula USD500 hanggang USD5,000.
Ang Anglo-Nubians ay kilala sa kanilang gatas at karne, habang ang Boer goats at Dorper sheep ay may mataas na kalidad ng karne.
Matapos ang pormal na bidding process, inaasahang darating ang mga hayop sa loob ng 90 araw mula sa pag-isyu ng notice of award. (Santi Celario)