Home NATIONWIDE Panukalang magpapalawak sa Pisay system aprubado na sa Kamara

Panukalang magpapalawak sa Pisay system aprubado na sa Kamara

MANILA, Philippines – Aprubado na sa Kamara ang House Bill 9726 o Expanded Philippine Science High School System Act na naglalayong palawakin pa ang saklaw at operasyon ng Philippine Science High School (PSHS) sa bansa.

Layunin ng panukala na palakasin ang PSHS bilang nangungunang paaralang pang-sekondarya sa larangan ng Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) education.

“Our Philippine Science High School System (PSHS) campuses offer secondary courses with special emphasis on STEM students with high aptitude or who are gifted in science and mathematics on a free scholarship basis,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez sa naging pag-apruba sa panukala.

“The bill will not just improve the management of PSHS but also accommodate more government scholars, and increase the access to quality, free and globally competitive education for the country’s science, technology and innovation manpower,” giit pa nito.

Layon ng panukala na magtatag ng campus sa bawat rehiyon.

Sa oras na maisabatas ay bibigyan nito ng kapangyarihan ang PSHS Board of Trustees na bumuo ng mga patakaran, gabay, at mga panuntunan na kinakailangan upang mapanatili ang kalidad at pantay na pamantayan sa edukasyon sa lahat ng PSHS Campuses.

Tinukoy din sa Section 18 ng HB 9726 na ang kita na nagmumula sa mga bayarin sa paaralan na kinokolekta ng mga campus ng PSHS ay isusumite at ideposito sa bangkong otorisado ng pamahalaan bilang trust fund ng PSHS System na gagamitin para sa mga pangunahing programa at aktibidad ng paaralan. Gail Mendoza

Previous articleTulak kalaboso sa P2M shabu
Next articleBayaning sekyu patay sa pagsagip sa 2 nalulunod na bata