Home NATIONWIDE PAOCC: Patung-patong na kaso nakaamba vs suspended mayor Guo

PAOCC: Patung-patong na kaso nakaamba vs suspended mayor Guo

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines – Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na magsasampa pa sila ng mas maraming kaso laban sa suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na inakusahan bilang enabler ng illegal Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hubs.

Matatandaan na ang PAOCC at ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong Biyernes ay nagsampa ng reklamo laban kay Guo at iba pa dahil sa umano’y human trafficking kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa kanyang munisipyo.

“Mayroon pa pong mga karagdagang kaso inaayos kaming ngayong linggo, siguro hanggang sa susunod na linggo. Kapag nabuo na po namin iyong mga documentary requirement, the complaint affidavit and all, isasampa na rin po namin sa DOJ [Department of Justice] main iyong kaso,” ani PAOCC spokesperson Dr. Winston John Casio sa isinagawang briefing ng Bagong Pilipinas..

Sinabi ni Casio na ang mga digital footprint at paper trails ng mga ni-raid na POGO hub sa Porac at Bamban ay nagpapakita ng koneksyon ni Guo sa kanilang mga operasyon.

“Since nasampahan na po natin siya doon sa Bamban, may posibilidad din po na masampahan siya sa Porac or madagdagan pa po iyong mga kaso ni mayora with regard to Bamban,” aniya pa. RNT