Timbog ng mga operatiba ng Southern Police District- Drug Enforcement Unit (SPD-DDEU) si Police Corporal Michael Mones na nakadestino sa Angeles, Pampanga matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa isang fast food chain sa Pasay. Nakumpiska sa suspek ang pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa P238,000, kanyang service firearm, mga bala, itim na bag, dalawang cellphone, posas at weighing scale. Eric D.
MANILA, Philippines- Timbog ang isang aktibong miyembro ng pulisya sa buy-bust operation na ikinasa ng District Drugs Enforcement Unit ng Southern Police District sa lungsod ng Pasay nitong Miyerkules ng gabi.
Sa salaysay ng isang informant sa REMATE, sa loob ng CR ng establisimyento nangyari ang buy-bust.
Niyaya umano ng suspek ang police poseur buyer sa loob ng CR at nang nasa loob na ay ini-lock nito ang pinto bago kinapkapan sa bewang; swerteng nasa may puson ng poseur buyer ang kanyang service firearm at nagawa nitong pumiglas at naisagawa ang pag-aresto.
Sa spot report ng pulisya, kinilala ang HVI suspek na aktibong pulis na isang alyas PCpl Michael Mones (na dating operatiba sa drugs enforcement unit) na nakadestino sa PRO3 Angeles City Police Station at residente ng Purok 4B, Brgy. Anunas, Angeles City at tubong Pangasinan.
Nahaharap sa paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002 si Mones na nakuhanan ng humigit-kumulang 35 gramo ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation bandang alas-10:30 ng gabi ng March 5, 2025 ng District Drugs Enforcement Unit sa Jollibee Blue Bay Walk, Roxas Boulevard, Brgy. 76, Pasay City; dagdag dito ang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at BP 881 (Omnibus Election Code).
Kasamang nakuha sa suspek sa buy-bust operation ng DDEU-SPD operatives na pinangunahan ni PMAJ CECILIO G TOMAS JR kasama ang DID-SPD, PASAY SDEU, at sa pakikipag-ugnayan sa Sub-Station 10 ng Pasay CPS ang 35 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, isang black sling bag na may lamang android phone, isang Oppo cellular phone, isang holster, isang Glock 17 na may serial number PNP 04358 na may inserted magazine na mayroong 14 live ammunition, weighing scale, handcuff, black wallet na may dalawang P500, siyam na P100 bill, isang PNP ID, at isang UMID ID.
Tinatayang ang nakumpiskang illegal drugs (shabu) ay 35 gramo na may SDP value na P238,000.
Kasalukuyan inihahanda ang mga dokumentong isasampa sa prosecutor’s office laban sa suspek. Dave Baluyot