Home METRO Parte ng katawan ng tao lumutang sa Pier

Parte ng katawan ng tao lumutang sa Pier

MANILA, Philippines – Nagpalutang-lutang sa katubigan ng Pier 16 sa Tondo, Maynila ang bahagi ng katawan ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Raxabago Station (PS 1), nadiskubre ang parte ng katawan ng lalaki alas 9:30 ng umaga nitong Sabado, Agosto 5 sa APRON 680, MSW Berth, Pier 16, Tondo, Maynila.

Nakasuot pa ito ng Bench na brief sa kanyang binti.

Ayon sa isang testigo, siya ay naka-duty nang mapansin ang lumulutang na ibabang parte ng katawan ng tao dahilan para ipagbigay-alam niya ito sa security guard na siya namang nagreport sa pulisya para sa imbestigasyon.

Hindi naman matukoy ng pulisya ang pagkakilanlan ng biktima dahil ibabang parte ng katawan lamang ang lumutang.

Ayon kay MPD Director P/Brig. General Andre Dizon, posibleng itinapon sa ibang lugar ang bahagi ng katawan ng biktima at natangay na lamang sa baybayin sa Maynila sa kasagsagan ng bagyong Egay at Habagat.

Gayunman, inaalam aniya ng kapulisan ng Maynila kung may mga kahalintulad na kaso sa ibang lugar na naghahanap ng iba pang parte ng katawan ng biktima upang mabatid ang kanyang pagkakilanlan. Jocelyn Tabangcura-Domenden