Home NATIONWIDE Pasado sa pre-evaluation ng gun ban exemption application, kaunti pa lang –...

Pasado sa pre-evaluation ng gun ban exemption application, kaunti pa lang – Comelec

MANILA, Philippines- Nasa 23 aplikasyon para sa gun ban exemption pa lamang ang nakapasa sa pre-evaluation stage simula nang tumanggap ang Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) noong June 5, sabi ng Commission on Elections.

Base sa datos ng Comelec, noong June 30, nakatanggap ang komisyon ng 272 aplikasyon ngunit 23 lamang ang nakapasa sa  pre-evaluation stage at kinonsidera bilang “duly filed.”

“These were later on submitted for the final evaluation and deliberation by the CBFSC tripartite body composed of the Comelec, the Philippine National Police (PNP) and the Armed Forces of the Philippines (AFP),” sabi ng Comelec.

Ang mga nakakuha ng aprubadong aplikasyon ay makatatanggap ng  kaukulang Certificate of Authority (CA) na inisyu ng CBFSC ​​habang ang Notice of Denial ay ibibigay sa mga tinanggihang aplikasyon na nagsasaad ng dahilan ng pagtanggi.

Ayon sa Comelec, karamihan sa hindi pumasa sa pre-evaluation stage ay dahil sa pagsumite ng hindi kumpletong requirements  at /o hindi nakasunod sa pamamaraan na naka-highlight sa   Comelec Resolution No. 10918.

Upang maiwasan na mangyari ang ganitong insidente, hinimok ng Comelec ang mga aplikante na bisitahin ang gun ban landing page sa www.comelec.gov.ph para sa detalyadong pamamaraan para sa paghahain ng mga aplikasyon gayundin ang rundown ng mga kinakailangan at iba pang mahalagang impormasyon.

Para sa Oktubre 2023 BSKE, ang gun ban ay magkakabisa sa panahon ng halalan na ayon sa Comelec Resolution No. 10905, ay mula Agosto 28 hanggang Nob. 29, 2023.

Ang buong exemption ayon sa resolusyon ay ipagkakaloob sa Pangulo ng Pilipinas, Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, mga Senador, Mga miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, mga hukom at mahistrado, Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Major Service Commanders, Philippine National Police (PNP) Chief at senior officers, Cabinet Secretaries and Undersecretaries, Ombudsman at Deputy Ombudsmen, state prosecutors, at Comelec officials. Jocelyn Tabangcura-Domenden