Home OPINION PASASALAMAT NA MAY KALUNGKUTAN

PASASALAMAT NA MAY KALUNGKUTAN

266
0

MASAYA ang lahat na nakauwi na ang 11 Pinoy seaman na kasamang crew ng MV Magic seas.

Kasama sila ng anim iba pang Pinoy crew ng nasabing barko na nauna nang nakauwi.

Dapat din nating ikasaya ang 8 crew ng MV Eternity C na ngayo’y nasa Saudi Arabia na.

Sino nga naman ang hindi masaya sa kalayaang natatamo mula sa panganib ng kamatayan, pagkabilanggo, pagkawalay sa pamilya at sa huli, pagkakauwi sa sariling bansa?

Sa gitna nito, nakalulungkot ding isipin na 3 Pinoy crew rin sa MV Eternity C ang umano’y pinatay at wala ring nakaaalam sa 10 iba pa kung saan sila dinala ng mga Houthi.

Parehong biktima ng pambobomba o pangmi-missile ng mga Houthi ang MV Magic Seas at MV eternity C sa Red Sea.

Unang pinalubog ng mga Houthi ang MV Magic Seas noong Hulyo 6, 2025, habang sumunod na pinalubog ang MV Eternity noong Hulyo 8.

KONEKTADO SA ISRAEL

Pinipinsala ng mga Houthi ang mga barkong pinaniniwalaan nilang kontektado sa Israel.

Kasalukuyan ang giyera ng mga Houthi ng Yemen at Israel.

Ayon sa mga Houthi, ipinaghihiganti nila ang mga Palestino na nakatira sa Gaza Strip o Palestine, kasama na ang mga Hamas na armadong Palestino.

Mahigit 58,000 nang Palestino, kasama ang mga Hamas, ang napapatay ng mga pwersang Israelita at karamihan sa mga ito ang dinaraan sa bomba at masaker.

Dinudurog din ng Israel ang lahat ng mahahalagang lugar mismo sa lugar ng mga Houthi sa Yemen sa pamamagitan ng mga bombang pinakakawalan ng mga eroplano at inaatake naman ng mga Houthi ang mismong Israel sa pamamagitan ng mga missile.

Ganyan katindi ang giyera at kabilang sa mga paraan din ng mga Houthi laban sa Israel ang pagharang sa mga barko sa Red Sea at Gulf of Aden.

Dahil sa bangis ng digmaan at layuning durugin ang isa’t isa, lahat ng konektado sa isa’t isa ay idinadamay.

At kasama na rito ang mga barko at crew ng mga ito.

May 4 nang barko ang pinalubog ng mga Houthi at iba pa ang mga nasira.

TULUNGAN SILA

Hindi matatawaran ang mga pagpapagod, pagpupuyat at pagsasakripisyo ng mga taong pamahalaan sa pag-aasikaso sa mga biktima ng giyera, partikular sa mga seaman.

Dapat lang dahil hindi maikakaila ang kontribusyon ng mga ito sa ekonomiya ng Pilipinas na pinakikinabangan ng lahat.

Malaking halaga, mahigit P40 bilyon ang ipinapasok na remittance ng nasa 400,000 international seamen sa bansa.

Ang mga seaman at pamilya nila, hindi nangangailangan ng gaanong ayuda mula sa pamahalaan kaya gumagaan ang mga alalahanin nito sa mga nangangailangan.

Nagagamit din ng pamahalaan ang mga dolyar at iba pang uring salapi na padala ng mga Pinoy seaman sa pakikipagkalakalan at pagbabayad ng $137.63 bilyong utang panlabas nito.

Nararapat lang na ibigay ng pamahalaan ang lahat ng karampatang ayuda Pinoy seamen lalo na ang mga namatay at nabibilanggo at kanilang mga pamilya; ang mga nawalan ng hanapbuhay; ang mga nagkakasakit; ang mga nasa panganib pa rin; at iba pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here