MANILA, Philippines- Matindi ang pangangailangan sa karagdagang abogado kaya nagdesisyon ang Korte Suprema na i-adjust ang passing rate ng Bar Examination.
Ipinaliwanag ni 2024 Bar Chairperson Associate Justice Mario Lopez na mula sa tradisyunal na 75 percent na passing grade, ibinaba ito sa 74 percent para mas maraming examinees ang makapasa.
Ayon kay Lopez, nagkukulang na ang bansa ng mga abogado partikular sa mga probinsya.
Ang desisyon aniya na ibaba ang passing grade ay inaprubahan ng buong En Banc.
Sinabi ni Lopez na kung hindi ibinaba sa 74 percent ay nasa 3,000 lamang ang pumasa sa examination.
Dahil sa naturang adjustment, nadagdagan ng 953 examinees ang nakapasa sa Bar.
Tiniyak naman ng Korte Suprema na hindi maaapektuhan ang kalidad ng mga abogado sa pagbaba ng passing rate ng Bar exam ngayong taon.
Ayon kay Lopez, hindi perpektong sukatan ang karunungan at kakayahan sa isang nagnanais na maging abogado ang Bar Exams.
May mga halimbawa aniya na kahit naging kulelat ng kumuha ng Bar Exams, ay naungusan pa nito ang mga naging bar topnotcher dahil sa kanyang potensyal at pagsusumikap.
Ang oath-taking at roll signing ceremonies ng mga pumasang Bar examinees ay magaganap sa Jan 24, 2025.
Samantala, si Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang magiging 2025 Bar Chairperson. Teresa Tavares