Home NATIONWIDE PAOCC, DSWD magkatuwang sa pag-aalaga ng 24 ‘POGO babies’

PAOCC, DSWD magkatuwang sa pag-aalaga ng 24 ‘POGO babies’

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Biyernes na nakipagtulungan ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maibigay ang pangangailangan ng mahigit 20 anak ng dating Philippine offshore gaming operator (POGO) employees.

“Sa ngayon po kasi, mayroon kaming mga 24 na mga POGO babies at sila ay sinusuportahan ng PAOCC pagdating sa kanilang mga pangangailangan. Even yung hospitalization ng mga bata kapag nagkakasakit, kami po ang tumutulong diyan,” pahayag ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz sa Bagong Pilipinas Ngayon.

Ang mga batang ito ay mga anak ng dayuhang POGO workers na naghihintay ng deportasyon  sa paghahanda ng pamahalaan na buwagin ang POGOs sa pagtatapos ng taon.

“So nakipag-coordinate na rin kami sa DSWD. Hindi naman po pwedeng puro suporta pagdating sa panggatas, pam-Pampers, at pambayad sa renta. Kailangan magkaroon ng kabuhayan yung pamilya para ipantustos niya sa pagpapalaki ng bata,” wika ni Cruz.

Inilahad ng PAOCC na nasa 400 foreign nationals na dating nagtrabaho sa POGOs ang kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya nila.

“Just this month alone, naka-deport tayo ng kulang kulang mga 250 foreign nationals at may mga susunod pa po,” ani Cruz.

Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa POGOs sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo.

Noong Nobyembre, ipinalabas ni Marcos ang Executive Order No. 74, pormal na nagbabawal sa POGOs, internet gaming, at iba pang offshore gaming operations sa bansa. RNT/SA