NAGIGING madugo at puno na ng kamatayan ang mga protesta laban sa pamahalaan sa bansang Bangladesh.
Nag-ugat ang protesta sa bagong patakaran na sistemang quota sa empleyo sa gobyerno na mahigit kalahati ang ibibigay sa mga piling grupo, kasama na ang mga kamag-anak ng mga lumaban sa Pakistan para sa pambansang kalayaan ng Bangladesh.
Ilang araw lang ang nakararaan, nasa 3 lang ang patay.
Pagkatapos, naging 65 at dumami sa 105.
Pero habang tinitipa ito, nasa 115 na na pawang iniuulat ng mga ospital.
Maaaring magpatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga patay sa mga susunod na araw kung magpapatuloy ang mga protesta at pamamaril sa kanila ng mga pulis.
Gayunman, may pinipinsala rin ang mga nagpoprotesta, kasama na ang pagpatay sa umbag sa dalawang pulis at pagsunog o paninira sa maraming istasyon ng pulis at opisina ng gobyerno.
May 150 ring seryosong nasugatang pulis at 150 na bahagyang nasugatan.
Bukod sa mga patayan at kaguluhan, inaaresto na rin ang mga lider ng protesta at maging ang sa mga oposisyong pulitikal.
Kasabay nito ang pambansang curfew kaya lumahok na rin ang mga sundalo para magbantay laban sa mga nagpoprotesta.
Isinara na rin ang mga internet, kasama ang mga website ng gobyerno at ng mga diaryo, gaya ng Dhaka Tribune at Daily Star kaya wala nang makikitang bagong mga balita sa internet.
Sinunog naman ng mga nagpoprotesta ang Bangladesh Television kaya nagsara rin ito.
Dahil sa mga patayan, sinasabi ng mga nagpoprotesta na hindi na lang laban sa sistemang quota ang kanilang inilalakad kundi ang pagbagsak ng 15 taong gobyerno ni Prime Minister Sheikh Hasina, 76 taong gulang.
Pang-apat na ang panalo sa halalan ni Hasina ngunit sa huli, wala umanong pinaporma na oposisyon kaya wala umanong boses ang mga tao sa loob ng pamahalaan.
Sana naman, hindi maganap ang mga ganitong pangyayari sa Pinas, maging sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos ngayon.






