View of a collapsed building after a strong earthquake struck central Myanmar on Friday, earthquake monitoring services said, which affected Bangkok as well with people pouring out of buildings following the tremors in the Thai capital, in Bangkok, Thailand, March 28, 2025. REUTERS/Ann Wang
MYANMAR – Mahigit 150 na ang nasawi sa malakas na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand nitong Biyernes, Marso 28.
Kasabay nito ay nasa mahigit 732 naman ang nasaktan sa Myanmar pa lamang.
Matatandaan na niyanig ng magnitude 7.7 na lindol ang lungsod ng Sagaing sa central Myanmar nitong hapon ng Biyernes, na sinundan ng magnitude 6.4 na aftershock.
Nagtumbahan ang mga gusali, tulay, at nagkabitak-bitak ang kalsada sa Myanmar, habang gumuho naman ang 30 palapag na gusali sa Bangkok.
Ayon kay Junta chief Min Aung Hlaing, sa kanilang bansa ay nasa 144 katao ang nasawi at 732 ang kumpirmadong nasaktan ngunit inaasahan na tataas pa ang bilang na ito.
“I would like to invite any country, any organisation, or anyone in Myanmar to come and help. Thank you,” sinabi ni Hlaing matapos bumisita sa isang ospital sa Naypyidaw.
Hinimok niya ang malawakang relief efforts at sinabing binubuksan niya ang Myanmar para sa lahat ng foreign aid.
Mag-aalok naman ng tulong si US President Donald Trump.
Sa ngayon ay wala pa ring kuryente sa malaking bahagi ng Myanmar, partikular sa Yangon at idineklara ang state of emergency sa anim na pinaka-apektadong rehiyon sa bansa.
Samantala, nagpapatuloy naman ang rescue efforts sa gumuhong gusali sa Thailand.
Ayon kay Interior Minister Anutin Charnvirakul, walong bangkay na ang kanilang narekober, habang 90 hanggang 110 katao pa rin ang kanilang pinaghahanap.
“We see several dead bodies under the rubble. We will take time to bring the bodies out to avoid any further collapses,” ani Charnvirakul.
“I heard people calling for help, saying ‘help me’,” sinabi naman ni Worapat Sukthai, deputy police chief ng Bang Sue district. RNT/JGC