Nasangkot sa gulo si PBA player Fran Yu at ang kanyang ama matapos makipagsagutan sa mga tauhan ng barangay dahil sa isang away sa parking sa Santa Cruz, Manila.
Makikita sa CCTV na lumapit ang isang barangay tanod kay Yu, na nagparada ng kanyang motorsiklo sa tapat ng Barangay 350 office bago pumasok sa isang fast-food restaurant. Dahil bawal ang pagparada doon, pinakiusapan siyang ilipat ang sasakyan, na nauwi sa pagtatalo.
Ayon sa tanod, sinabi ng kasama ni Yu, “Kilala niyo ba kung sino ang kausap niyo?”
Nagkaroon ng tulakan, kung saan natumba sa kanal ang tanod. Nakialam si Barangay Konsehal Victorino Farrales, ngunit umano’y sinuntok siya ni Yu. Dumating ang ama ni Yu ngunit lalong lumala ang sitwasyon, kaya’t napilitan si Farrales na ipagtanggol ang sarili.
Naawat ang gulo nang dumating ang iba pang tauhan ng barangay. Nagkaroon ng mga pasa si Farrales at balak magsampa ng reklamo. Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya Yu. RNT