Home OPINION PBBM, DAPAT MANGUNA SA LIFESTYLE CHECK

PBBM, DAPAT MANGUNA SA LIFESTYLE CHECK

187
0

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan na sisimulan sa Department of Public Works and Highways matapos mabulgar ang mga maanomalyang flood control project.

Sabi ng Malacañang sa pamamagitan ni Media Officer Atty Claire Castro, nakahanda si Pangulong Bongbong na sumailalim sa lifestyle check. Dapat lang at hindi puro press release ang kanyang mga binibitawang salita.

O, baka ang kanyang pahayag ay isa na namang paraan upang iligaw o ilihis sa taumbayan ang katotohanan kaugnay sa mga pagbaha na nangyayari sa bansa dahil sa ginawang pagnanakaw ng badyet ng mga tiwaling tauhan ng DPWH? Syempre kakutsaba ang ilang mambabatas na gumagawa ng butas para magkamal ng limpak-limpak na salapi at mga buwayang contractor.

O, hindi ba tama lang na mauna si Pangulong Marcos upang maipakita niya na siya ay modelo sa kaayusan ng palakad sa pamahalaan?

At pagkatapos nitong si PBBM na magpa-lifestyle check, dapat ay isunod ang mga miyembro ng House of Representatives at Senate of the Philippines. Hindi naman pwedeng ang Pangulo lang ang susubo sa kahihiyan. Kahihiyan talaga? Eh paano nga kung mapatunayang maayos ang klase ng pamumuhay ng Pangulo? Lalabas na walang luho silang mag-asawa at kanyang pamilya, o di pahiya tayo?

Ang nakapagtataka lang, ipinagyayabang ni Undersecretary Castro na handa ang Pangulong Marcos na sumailalim sa lifestyle check. Pero nang tanungin ng isang mamamahayag nan aka-beat sa Palasyo kaugnay sa pagsasapubliko ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, napikon na naman ang abogada at sinabihan ang reporter na huwag iligaw ang usapin.

Ano kamo? Dapat, maging bahagi ng lifestyle check ang SALN. Saan sila kukuha ng basehan kaugnay sa kanilang pagpapasarap sa buhay kung walang pagmumulan?

Ewan ko sa inyo. Bahala kayo. Pero dapat patotohanan ng Pangulo ang kanyang kautusan. Dapat ang salita niya ay batas na dapat sundin ng lahat, syempre kabilang mismo ang Pangulo at kanyang pamilya at kamag-anak.

Iyan ang totoong modelo ng pamumuno. Handang ipakita sa lahat na hindi sila nagsasamantala sa kaban ng bayan at perang mula sa pawis ng mamamayan. PBBM, go, go, go na agad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here