Home OPINION TORRE GAGAMITIN SA PULITIKA

TORRE GAGAMITIN SA PULITIKA

299
0

KUNG hindi tatanggapin ni ex-Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III ang bagong trabaho na iniaaalok sa kanya ni Pangulong Bongbong Marcos, malamang na magagamit siya sa mabilis na dumarating na halalang presidensyal sa 2028.

‘Yan kung walang makakalkal na baho ito na makasisira sa imahe ng mga taong gustong ipambala siya sa kanyon sa pulitika.

Kung tatanggapin niya ang alok na trabaho sa labas ng pulisya, mababawasan naman ang kaisipan na pinupulitika siya ngayon.

Naging kontrobersyal si Torre nang biglang umangat sa tore ng PNP sa pagdakip kina Pastor Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ at kay- ex-President Digong Duterte.

Pero kung mabilis man siyang lumipad sa tore ng Camp Crame, mas mabilis siyang bumagsak o pinabagsak, ayon sa iba.

Kung titingnan naman sa kabuuan ang nangyari kay Torre, isa lang siya sa napakarami nang binagsakan din ng administrasyong Marcos sa unang tatlong taon niyang panunungkulan.

Kasama na riyan sina Vice President Sara Duterte na napilitang mag-resign bilang Kalihim ng Department of Education at Atty. Vic Rodriguez bilang Executive Secretary dahil pinagsisiraan sila.

Pagkalipas ng Mayo 12, 2026 o isang taon makalipas ang nakaraang halalan, marami rin ang gagapang at magpapabasbas sa Palasyo para kumopo ng mga posisyon at tiyak na may mga sisibakin na naman kapalit ng mga manggagapang.

Mas higit ang pulitika sa mga posisyon sa gobyerno, lalo na sa itaas dahil nakaangkla lahat sa kapangyarihan ng Pangulo na mag-appoint o magtalaga…ng mga umepal para sa kanya sa dalawang halalan, 2022 at 2025.

Ang problema riyan ay kung may mga grupong mas makapangyarihan pa sa Pangulo at mamomroblema siya sa pwesto kung hindi niya pagbigyan ang wisyo ng grupo na maaaring lokal o dayuhan.

Lalo na kung ngayon pa lang ay nakataya na ang mga pangmatagalan at malakihang interes na tinitiyak ang katatagan sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagyuko rito ng Palasyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here