Malacañang — Para sa Malakanyang, kailangang makita muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buong nilalaman at detalye ng panukalang Anti-Political Dynasty Bill bago siya makapagbigay ng pormal na posisyon kung ito ay kanyang susuportahan o hindi.
Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isinagawang press briefing sa Malacañang, nang tanungin kung susuportahan ng Pangulo ang panukala, lalo’t nagmula siya sa isang kilalang political family.
“Siguro po mas maganda kung maibibigay nila ang pinakadetalye at buong nilalaman ng bill na ito dahil mahirap po sa ngayon na mag-oo o maghindi ang Pangulo,” ani Castro.
“Mas maganda pong maibigay iyong pinakadetalye dahil maaaring may magandang maidulot ito sa ating bansa. Tingnan po natin. Basta po ang Pangulo ay para sa bansa at para rin sa mga lider at opisyal na taos-pusong naglilingkod. Dapat balanse ang lahat.”
Dagdag pa ni Castro, hindi pa tiyak kung susuportahan ng Pangulo ang nasabing panukala: “Hindi po natin agad masasabi kung magsusuporta ba siya o hindi — depende po sa nilalaman ng bill mismo.”
Sa ilalim ng House Bill No. 209 na inihain ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa pagbubukas ng 20th Congress, layong ipagbawal ang tinatawag na political dynasty — o ang konsentrasyon ng kapangyarihang pampulitika sa loob lamang ng isang pamilya.
Ipinagbabawal ng panukala ang sabay-sabay o sunud-sunod na pagtakbo o panunungkulan ng mga magkakamag-anak hanggang ika-apat na antas ng consanguinity o affinity, sa alinmang posisyon sa lokal o pambansang pamahalaan.
Ang sinumang kamag-anak ng isang kasalukuyang halal na opisyal ay hindi maaaring agad na pumalit o humalili sa naturang posisyon. Para matiyak ang pagsunod, lahat ng kakandidato ay kinakailangang magsumite ng sinumpaang salaysay sa Commission on Elections (COMELEC) na sila ay hindi saklaw ng nasabing pagbabawal.
Kapag napatunayang lumabag, maaaring:
-Tanggihan ang certificate of candidacy (COC)
-Hindi bilangin ang mga boto para sa diskalipikadong kandidato
-Hindi maiproklama o papayagang manungkulan
-Ibalik sa estado ang anumang puwesto kahit na ito ay naiproklama na
Pinapayagan din ng panukala ang sinumang rehistradong botante, organisasyon, o partidong pampulitika na magsumite ng petisyon para sa diskwalipikasyon anumang oras mula sa paghahain ng kandidatura hanggang bago ang proklamasyon.
Kapag malakas ang basehan ng petisyon, maaaring ipagpaliban ang proklamasyon ng kandidato kahit pa siya ang nakakuha ng pinakamaraming boto.
Giit ng Makabayan Bloc, tinutupad ng panukala ang probisyon ng 1987 Constitution na nag-aatas sa Kongreso na bawal ang political dynasties, ngunit nananatiling hindi naipapasa ang enabling law para rito sa loob ng halos apat na dekada. Kris Jose