MANILA, Philippines – BUKAS si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-usapan kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang nalalaman ng huli ukol sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nagsumite na si Magalong ng mga dokumento kay Pangulong Marcos hinggil sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Ipinresenta na ni Magalong kay Pangulong Marcos ang mga dokumento hinggil sa umano’y korapsyon sa flood control projects, kasunod ng panawagan ng Malakanyang na ibahagi niya ang impormasyong kanyang nalalaman.
Sa kabilang dako, hinihintay naman ni Magalong na ipatawag siya ng Kongreso
Isiniwalat kasi nito na may mga mambabatas ang di umano’y kumukuha ng hanggang 40% kickback mula sa pondo, na nag-iiwan lamang ng 30% para sa aktwal na proyekto at nagreresulta sa mababang kalidad.
Kamakailan ay ibinunyag ni Marcos na 20% ng ₱545-bilyong flood control budget ay napunta lamang sa 15 contractor at tinawag itong “disturbing,” sabay babala laban sa pagnanakaw ng pondo ng bayan. Kris Jose